SUSI SA MULING PAMAMAYAGPAG NG TURISMO SA BANSA

ANG turismo sa kahit anong bansa, hindi lamang sa Pilipinas, ay maituturing na isa sa pinakamatinding tinamaang industriya ng COVID-19. Bago nangyari ang pandemyang ito na bumalot sa mundo, itinuturing na haligi ng ekonomiya ang turismo lalo na rito sa Pilipinas dahil sa laki ng kitang naipapasok nito sa ating ekonomiya.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), 12.7% ng kabuuang kita ng ekonomiya noong 2018 ay mula sa industriya ng turismo.

Bunsod ng paghinto ng operasyon ng turismo, ayon sa datos na inilabas ng World Travel and Tourism Council (WTTC), tinatayang aabot sa 75 milyong trabaho na may kaugnayan sa turismo ang nanganganib sa buong mundo.

Sa Pilipinas, sa industriya ng turismo naitala ang pinakamataas na bilang ng mga nawalan ng hanapbuhay. Ngayong taon din naitala ang pinakamataas na ulat ng unemployment rate sa bansa na mula sa 5.1% noong parehong mga buwan ng nakaraang taon ay tumalon sa 17.7% ngayong ikalawang quarter ng taon.

Napakatindi talaga ng naging epekto ng mga ipinatupad na lockdown sa iba’t ibang bansa kasama na ang Pilipinas.

Sa datos ng ating Department of Tourism (DOT), ang pagpasok ng mga biyahe mula ibang bansa para sa buwan ng Enero hanggang Mayo ng kasalukuyang taon ay bumagsak sa bilang na 1.3 milyon mula sa 3.49 milyon noong nakaraang taon.

Bunsod nito ay bumagsak ang ating kita mula sa turismo sa P81.05 bilyon sa unang anim na buwan ng taon kumpara sa naitalang P205.50 bilyon noong unang anim na buwan ng nakaraang taon.

Aminado ang DOT na walang katiyakan kung kailan makababangon ang turismo sa bansa. Hangga’t walang mabisang bakuna laban sa COVID-19 ay ipatutupad ng lahat ng bansa ang 14-day quarantine para sa lahat ng papasok na turista. Ito ang natukoy na isa sa pinakamatinding balakid sa pagbangon ng turismo sa gitna ng pandemya.

Kasalukuyan namang pinag-aaralan ng DOT ang muling pagbubukas ng lokal na turismo sa bansa. Sa kabila kasi ng patuloy na pagtaas ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 ay nanatiling mababa ang naitalang kaso sa mga kilalang destinasyon sa ating bansa gaya ng Bohol, Palawan at Boracay.

Ito ang nagbibigay ng pag-asa sa lokal na turismo ng bansa. Kaya pinag-aaralan ang iba’t ibang hakbang kung paano maipagpapatuloy ang lokal na turismo sa bansa.

Pansamantala, patuloy ang pagbibigay ng tulong pinansyal ng DOT sa mga negosyo at empleyadong naapektuhan ng paghinto ng turismo.

Habang naghihintay sa bakuna na siyang magi ging permanenteng sagot sa COVID-19 nananalig akong ang magiging susi sa pagbangon ng turismo sa bansa, ay ang patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan at ng pribadong sektor upang mabawasan ang epekto ng pan demyang ito sa ating industriya ng turismo.

201

Related posts

Leave a Comment