Kasama sa CDO ng ABS-CBN pero nasa ere pa rin NTC KINUWESTYON SA OPERASYON NG TV PLUS

KINUWESTYON sa mababang kapulungan ng Kongreso ang patuloy na operasyon ng TV Plus ng ABS-CBN gayung kasama umano ito sa cease and desist order (CDO) na inilabas ng National Telecommunications Commission (NTC) noong Mayo 5, 2020.

Sa joint hearing ng House committee on legislative franchise at committee on good government and public accountability noong Miyerkoles, Hunyo 17, inatasan ni presiding chairman Mike Defensor ng Anakalusugan party-list, ang NTC na magsumite ng paliwanag sa Kamara kung bakit nabigyan ng provisional authority ang ABS-CBN na ilipat sa TV plus ang radio program ng DZMM.

“NTC is ordered to give us written explanation, so ordered,” ani Defensor.

Ginawa ng mambabatas ang kautusan matapos kuwestiyonin ni House deputy majority leader Jesus Crispin Remulla ang patuloy na operasyon ng TV plus gayung kasama aniya ito sa CDO na inilabas ng NTC.

“We were in receipt of a provisional authority of the NTC given to ABS-CBN nung May 14, 2019 on digital migration.

This provisional authority was granted to TV Plus, a product of ABS-CBN migrating to digital,” ani Remulla.

Ayon sa mambabatas, hindi umano dapat binigyan ng provisional authority ang TV Plus kung saan inilipat ng ABS-CBN at DZMM ang kanilang mga programa matapos magkusang mag-off air ang mga ito noong Mayo 5, 2020.

“Ang punto ko Mr chairman, the CDO should also apply to TV plus and all activities of ABS-CBN to TV plus. Just for the record because we are in receipt on this provisional authority from them, therefore they must be obeying the same authority, the provisional authority that they granted,” ayon pa kay Remulla.

NAWAWALA

Samantala, nawawala ang mga dokumento na magpapatunay na pag-aari ng mga Lopez ang ABS-CBN at mga pasilidad na isinoli sa kanila ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Sa pagdinig noong Miyekoles, hinanapan ni House deputy speaker Rodante Marcoleta ang pamumunuan ng ABC-CBN ng dokumento para patunayan na sila talaga ang may-ari ng nasabing network at mga pasilidad na nabawi ng mga ito noong 1986.

Ayon kay Marcoleta, hindi basta-basta ibinigay ni dating Pangulong Corazon Aquino ang claims ng mga Lopez sa ABS-CBN at mga pasilidad ng nasabing network kaya bumuo ito ng isang Arbitration Committee para maglabas ng ebidensya ang nasabing pamilya na sila talaga ang may-ari ng mga nasabing ari-arian.

Gayunpaman, nawawala umano ang arbitration documents na naglalaman ng arbitral award at ang tanging ipinakikita aniya ng mga Lopez ay ang compromise agreement na nabuo noong Oktubre 1992.

“Iba ang compromise agreement, iba ang arbitral award,” ani Marcoleta dahil sa arbitration committee ay nakadetalye ang ebidensyang ipinakita ng mga Lopez na sila ang may-ari ng network at maging ng ari-arian sa Bohol Avenue, Quezon City at iba pang lugar sa bansa kung saan mayroon silang TV at Radio Station.

Hindi nakapangako sa mga nabanggit na Komite ang President at CEO ng ABS-CBN na si Carlo Katigbak na maibibigay agad ang hinahanap na dokumento ni Marcoleta dahil matagal na umano ito at maging ang dating secretary ng Arbitration Committee na si Atty. Del Sy ay hindi na umano hawak ang nasabing mga dokumento. BERNARD TAGUINOD

153

Related posts

Leave a Comment