HABANG aking inaabangan kung kailan sisimulan ng Senado ang imbestigasyon sa nagsulputang mga ilegal na klinika o medical center na pag-aari ng mga Chinese national na narito sa bansa, mayroon na namang panibagong nadiskubre sa Lungsod ng Parañaque.
Ayon sa Parañaque PNP, ang nilusob nilang establisimiyento nitong Hunyo 20 ay nakapuwesto sa ikatlong palapag ng Morgana Building sa Multinational Avenue.
Nakumpiska ng mga pulis ang sterile dextrose, stethoscopes, personal protective equipment, 64 boxes na naglalaman ng mga gamot para sa ubo, trangkaso, coronavirus disease 2019 (COVID-19) at iba pang gamot laban sa mga sakit na galing sa pakikipagtalik.
Syempre, hindi naman bawal na magkaroon ng klinika o maliliit na pagamutan sa Parañaque o kahit saang lupalop ng bansa.
Ang bawal ay kung walang permit ang klinika.
Ayon sa pulisya, walang naipakitang business permit ang bantay ng klinika na nakilalang si Cai Yongchun.
Ito ang bawal. Ito ang masama.
Kaya, ilegal ang klinika ng mga Chinese sa gusali ng Morgana.
Batay sa rekord ng pulisya, pangatlo na ito sa mga nadiskubreng klinika na walang kaulang business permit kaya illegal at hindi lisensyado na ito ay mag-operate.
Nitong buwan lang ng Mayo, dalawang klinika na pag-aari din ng mga negosyanteng Chinese ang sinalakay ng mga alagad ng batas sa Barangay Tambo at Barangay Poblacion na parehong sakop din ng Parañaque.
Wala ring business permit ang dalawang ito.
Ano ba ang nagyayari sa Lungsod ng Parañaque na matagal-tagal na ring pinamumunuan ni Mayor Edwin Olivarez?
Kung tapat at maayos siguro ang ginagawang pamumuno sa Paranaque, hindi dapat talamak ang mga ilegal na negosyo sa lungsod.
Kung hindi pabaya si Olivarez, dapat ay hindi umabot sa tatlong ilegal na klinika ang nadiskubre sa Paranaque.
Sa mga nakalipas na buwan, matatandaang nadiskubre rin ng pulisya ang hinihinalang bahay-aliwan ng mga Chinese na ang mga parokyano ay pinaniniwalaang nagta-trabaho sa mga kumpanyang pasok sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Chinese ang mga babae at mga Chinese rin ang kliyente ng prostitusyon.
Pokaragat na ‘yan!
Noong si Lieutenant General Guillermo Lorenzo Eleazar pa ang pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO), mayroon ding mga nahuling dayuhan sa Parañaque, kung saan karamihan sa kanila ay mga Chinese, na walang sapat na mga dokumento sa kanilang pamamalagi at pagtatrabaho sa bansa.
Mayroon ding legal na mga kumpanya na pag-aari ng mga negosyanteng Chinese sa Parañaque na bahagi ng POGO, kaso nadiskubre ito ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na hindi pala nagbabayad ng tamang buwis.
Ang nasabing kumpanya ng online gambling ay mayroong sangay sa Barangay Libis, Quezon City.
Nilusob at ipinasara na ang nasabing online gambling ng BIR, ngunit pinayagang muling magbukas at magnegosyo ng sugal makaraang mangakong babayaran ang buwis.
Ang National Capital Region (NCR) ay mayroong 16 na lungsod at isang munisipalidad, ngunit sa Parañaque madalas nakakadiskubre ang mga pulis ng ilegal na kumpanya ng mga Chinese.
Bakit kaya?
Kung matutuloy ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa mga ilegal na klinika ng mga Chinese batay sa resolusyong inihain ni Senadora Leila de Lima ay umaasa akong matutukoy ang dahilan kung bakit ganyan sa Parañaque.
Inasahan ko rin at ng publiko na malalaman sa isasagawang imbestigasyon kung nagpapabaya ba o hindi si Mayor Olivarez sa kanyang gawain, tungkulin at obligasyon sa Parañaque upang matiyak na walang ilegal o krimeng nagaganap sa lungsod.
Ilegal na mga klinika, ilegal na kumpanyang POGO, ilegal na mga dayuhan at bahay-aliwan ng mga Chinese na prostitusyon ang ibinebenta pa lamang ang binabanggit ko rito sa Badilla Ngayon.
Hindi pa kasama rito ang talamak na ilegal na droga, pergalan (peryang ilegal na mga sugal – lupa ang inaalok sa mga parokyano) at jueteng gamit ang small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa lungsod.
Sa totoo lang, maraming ilegal sa Parañaque na dapat tapusin ni Mayor Olivarez .
