SANA hindi maging trial and error ang pagbubukas ng klase sa Agusto 24, 2020 sa buong bansa.
Nagaalala kasi ang mga magulang hindi lang sa gastusin kundi maging sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
Kung online classes ang gagawin ay naga-alala sila dahil hindi nila alam kung saan kukuha ng pambili ng mga gadget.
Bago maisagawa ang online classes ay kailangan munang makabili ng android cell phone, laptop o tablet.
Kung sa face-to-face classes naman malalagay sa alanganin ang buhay ng mga mag-aaral dahil posibleng magkahawahan sila sa COVID-19.
Kaya sabi ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones ang pinakamura daw na maging paraan ng pagsasagawa ng klase sa mga estudyante ay ang paggamit ng ‘modules’.
Gagawa daw ng modules ang DepEd at ipamamahagi ito sa mga barangay sa buong Pilipinas. Kukunin ito ng mga magulangsa bawat barangay para ibigay naman sa kanilang mga anak na mag-aaral. Ito na ang gagamitin ng mga bata sa kanilang pag-aaral habang sila ay nasa kanilang mga bahay.
Sa kahirapan na ating nararanasan sa COVID-19 mas praktikal kung modules na lang ang gamitin para lang matuloy ang pagbubukas ng school year 2020-2021 sa darating Agusto 24.
Ito na ang pinakaligtas at pinakamurang paraan na magagamit ng mga bata para sa kanilang pag-aaral. Pinakamahal naman ang online classes dahil hindi ito mangyayari kung walang mga gadget na magagamit ang mga bata.
Pangalawa, problema pa natin ang mala-usad pagong na internet connections. Ngayon pa lang ay problemado na ang mga guro sa kanilang mga signal lalo na ang mga nasa malalayong probinsiya.
Kung ang sipag ang pag-uusapan, ang ating mga guro ay talaga namang masisipag. Kahit ilang bundok pa at ilog ang kanilang tawirin ay gagawin nila para maturuan lang ang mga mag-aaral.
Dito sa National Capital Region (NCR) maaaring maipatupad ang online classes pero sa mga lalawigan ay imposible at hindi dapat ito ipagpilitan dahil tiyak na sasablay lang.
Kailangang ipatupad ng DepEd ay ang mas praktikal at ligtas na pag-aaral para sa mga bata. Hindi pwede ang trial and error dahil buhay nila ang nakasalalay.
Baka matulad lang tayo sa South Korea na dahil sa pagbubukas ng klase ay muling tumaas ang kaso ng COVID-19. Kaya ayun muli nilang itinigil at ipinasara ang kanilang mga eskuwelahan.
Nag-aaral nga ang mga bata, kung dadapuan naman sila ng COVID-19, balewala rin ang kanilang pinag-aralan kung mamatay naman sila.
Minsan binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang public address na ‘walang klase, kung walang bakuna (vaccine)’Pero dahil iginiit ni Sec. Briones na tuloy at handa na sila sa pagbubukas ng klase sa Agusto 24 ay hindi na kumontra ang presidente.
Sabi pa nga ni Sec. Briones hindi na sila pwedeng pigilan dahil naka-arangkada na sila at baka madapa daw sila.
Madadapa lang kayo, nag-alala pa kayo, paano naman ang mga magulang kung mamatayan ng kanilang mga anak dahil sa COVID-19?
Sabi nga ng mga magulang makakapag-antay ang pag-aaral pero ang buhay ng kanilang mga anak ay iisa lang.
Kaya sana ikonsidera daw ng DepEd ang kanilang kahilingan na hanggat wala pang bakuna sa COVID-19 ay ‘wag muna simulan ang klase sa Agusto 24.
Kalusugan ng mga mag-aaral ang nakasalalay dito, kaya dapat siguraduhin ng DepEd na hindi malalagay sa panganib ang kanilang mga buhay.
Sabi ni Dr. Jose Rizal, ‘ANG KABATAAN ANG PAGASA NG BAYAN’. Sila ang ating magiging mga lider pagdating ng panahon. Kaya dapat maging malulusog sila at ligtas sa kapahamakan.
Sana pag-isipan ng mga opisyal ng gobyerno, lalo na ng DepEd ang kahilingan ng mga magulang.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com
