LUMABAS ang balita na nagpahayag si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac na tutustusan nito ang pagpapauwi ng halos 350 bangkay ng mga OFW na namatay sa Saudi Arabia.
Sa susunod na linggo ay inaasahan ang pagdating ng mga bangkay ng mga OFW na namatay sa ibat-ibang kadahilanan gaya ng aksidente, nagpatiwakal, krimen, karamdaman at pati na rin ang mga namatay sa COVID-19 virus.
Maraming mga OFW leaders mula sa iba’t-ibang bansa at sa Pilipinas ang agad na nagpadala ng inbox messages sa akin upang itanong ang hangganan ng dapat na ibigay na tulong ng OWWA. Sa pagkaunawa kasi ng marami, ang pondo ng OWWA ay pag-aari ng mga pribadong miyembro ng ahensiya.
Dalawa ang pangunahing mandato ng OWWA, una ang siguruhin ang pagbibigay ng serbisyo at benepisyo para sa kapakanan ng mga miyembro. Ang ikalawa ay ang masiguro na ang pondo na ambag ng mga miyembro nito ay mapapangalagaan at mapapalago.
Kabilang sa serbisyo at benepisyo na maaring matangap ng aktibong miyembro kung siya ay namatay sa ibang bansa ay ang pagkakaloob ng P100,00 kung ang sanhi ng kamatayan ay natural na kadahilanan tulad ng sakit o karamdaman. At halagang P200,000 kung ang sanhi naman ng kamatayan ay aksidente. Bukod pa ang halagang P20,000 na ibinibigay para naman sa pamilya para sa pandagdag gastusin sa pagpapalibing.
Bagaman saklaw ng pondo at programa ang repatriation o pagpapauwi ng mga distressed OFW, ngunit hindi tinutukoy ng programa ang pagpapauwi ng bangkay dahil ito ay nakapaloob sa benepisyo na saklaw ng Mandatory Insurance na binabayaran ng mga OFW sa pribadong Insurance Company kung sila ay aalis ng bansa.
Kakaiba ang sitwasyon ngayon, dahil ang pagpapauwi ng mga bangkay ay minamadali na ng gobyerno ng Saudi Arabia, at walang pagkakataon ang ating OWWA para magpatumpik-tumpik at isa-isahing singilin ang mga insurance companies.
Kung kaya ang naging pasya ng OWWA ay iuwi na muna ang mga bangkay ng mga nasawing OFW sa pamamagitan ng chartered flight o pribadong paglipad ng eroplano upang mabilis na mapauwi ang mga bangkay at mabigyan ng pagkakataon ang kani-kanilang pamilya na makapagluksa at mabigyan din ng angkop na pagpaparangal ang mga nasawing mga Bagong Bayani.
Ngunit hindi dapat makaligtas ang mga ahensya at mga pribadong insurance companies na ibalik sa OWWA ang ginastos nito. Tungkulin ng mga ahensya at insurance companies ang pagpapauwi ng mga namatay na mga OFW dahil ito ang dahilan kung bakit mahigpit na ipinapatupad ang pagkakaroon ng insurance na binabayaran ng ahensya at OFW na $50 para sa dalawang taong kontrata nito.
Ang nasabing Mandatory Insurance ay nakatali sa pagkuha ng Overseas Employment Certificate (OEC) upang masiguro lamang na ang lahat ng paalis ng bansa na OFW ay makakatangap ng benepisyo katulad ng pag-uwi ng bangkay.
Dito na masusubukan kung talagang may tibay na maasahan ang mga OFW mula sa mga pribadong insurance companies o sadyang nagpapayaman lamang ang mga ito mula sa dugo at pawis ng ating mga OFW.
