DISMAYADO ang isang mambabatas sa Kamara matapos dumagsa ang grupo ng mga magsasaka na nagpapasaklolo para sa irigasyon sa kanilang mga sakahan.
Agad namang tinawagan ng pansin ni Magsasaka Party-list Rep. Argel Cabatbat ang pamunuan ng National Irrigation Administration para tugunan ang problema ng mga magsasaka.
Ayon kay Rep. Cabatbat, maraming maliliit na magsasaka ang dumulog sa kanyang opisina upang humingi ng tulong patungkol sa sistemang irigasyon at tawagin ang pansin ng NIA sa delay na patubig sa kanilang mga sakahan.
Nabatid sa mambabatas na napakaraming imprastraktura ang apektado sa problema lalo pa’t may butas ang rubber gates ng Bustos dam at may 500-metrong nagbitak-bitak at umangat na pader ng Superdivision Canal sa Rizal, Nueva Ecija. Buong Central Luzon ang namumroblema sa suplay ng tubig at siguradong apektado ang pagtatanim ng palay mula sa “rice granary” ng bansa.
Dagdag pa rito, tuwing tag-ulan ang planting season ng palay, at naghahabol ng rice supply sa panahong ito.
“Nagsimula na ang ulan, pero hindi pa rin dumadating ang tubig galing sa programang irigasyon ng bansa,” pahayag ni Rep. Cabatbat.
Binanggit pa ng mambabatas na sa panahon ng krisis at pandemya, ang pagpapatibay sa lokal na produksyon ng pagkain ang unang hakbang upang maiwasan ang pagkagutom. “Kung hindi ito mahahanapan ng agarang solusyon, tatawid ang epekto ng problema hindi lamang sa mga magsasaka kundi sa bawat pamilyang Pilipino na hinagupit ng paghihirap ng patung-patong na krisis nitong nakaraang mga buwan.”
Kailangan aniyang masolusyunan agad ang problema dahil sa bawat araw na nasasayang at hindi makapagtanim ang mga magsasaka ay dagdag na bilang ng mga hindi makapagtrabaho at nagugutom sa mga panahong ito. (CESAR BARQUILLA)
