Ibinayad sa tax galing sa mga empleyado, kliyente P14-B HINDI PERA NG MGA LOPEZ

HINDI pera ng ABS-CBN corporation ang mahigit P14 Billion na binayaran ng mga ito sa Bureau of Internal Revenue (BIR) mula 2016 hanggang 2019 kundi pera ng kanilang mga empleyado at mga kumpanya na katransaksyon ng mga ito.

Ito ang lumabas sa paggisa ni Dasmariñas City Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga sa mga opisyales ng ABS-CBN hinggil sa usapin ng buwis na binayaran at hindi umano binayaran ng nasabing network.

Sa interpelasyon ni Barzaga sa mga opisyales ng ABS-CBN, napaamin ang mga ito na hindi pera ng mga Lopez o ng mismong broadcast network ang P14,398,464,316,66 noong 2016 hanggang 2019 kundi mula umano sa income tax, value added tax (VAT), withholding tax, expanded withholding tax, final withholding tax at iba pa.

Lumalabas na buwis ito na kinaltas ng nasabing kumpanya sa kanilang mga empleyado.

“And that is part of the salaries of the employees. So sa madaling sabi hindi yan taxes paid by the ABS-CBN because that is tax, binabayad nyo lamang pero kinaltas nyo sa inyong mga empleyado,” ani Bargaza nang umamin ang mga opisyal ng ABS-CBN na galing ito sa buwis ng mga empleyado at VAT na binabayaran ng mga katransaksyon ng kumpanya at sila lamang ang naatasang mangolekta at mag-remit sa BIR.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil marami umano ang kumukuwestiyon kung bakit hindi pa inaaprubahan ang prangkisa ng ABS-CBN gayung mahigit P14 Billion ang binayaran ng mga ito na buwis sa nakaraang tatlong taon.

Lumalabas na sa P14 bilyon na ni-remit ng ABS-CBN sa BIR, P8.859 Billion dito ay mula sa income tax ng kanilang mga empleyado at kanilang mga artista na kinaltas ng kumpanya sa kanilang sahod habang ang iba ay mga buwis o VAT na binabayaran ng mga katransaksyon ng kumpanya sa pagbili ng kanilang mga produkto.

Hanggang sa kasalukuyan ay iniimbestigahan ng dalawang komite ang iba pang tax violation umano ng ABS-CBN dahil noong 2018 ay wala silang binayarang buwis at nagkautang pa umano ang gobyerno sa kanila.

Maging ang ABS-CBN Holding, ayon kay Barzaga ay hindi nagbayad ng kahit isang sentimong buwis mula noong 1999 hanggang sa kasalukuyan kaya hiningi nito ang lahat ng dokumento ng nasabing kumpanya upang malaman kung kumita ang mga ito o hindi.

Ang ABS-CBN Holdings na pag-aari rin ng pamilyang Lopez ang nagbenta ng 132 Million PDR o Philippine Depository Reciepts kung saan 187 million ang ibinenta sa mga dayuhan. (BERNARD TAGUINOD)

151

Related posts

Leave a Comment