MALABO nang mangyari ang kinababahala ng maraming OFW na mabangkarote ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Dahil magpapalabas na ang Department of Budget and Management ng hinihinging P5 bilyong pisong pondo na ayuda sa OWWA.
Magugunita na dumulog si Labor Secretary Silverstre Bello III at OWWA Administrator Hans Cacdac sa kongreso upang ipakiusap na magbigay ng pondo ang gobyerno para matustusan ang pangangailangan ng mga uuwing OFW na tinatayang aabot sa 250,000 hanggang Disyembre 2020.
Sa totoo lang, tunay akong sumasaludo kay Administrator Cacdac sa kanyang maagap na pagkilos upang himukin ang kongreso na magkaloob ng pondo sa OWWA. Maayos niyang nailatag ang tindi ng pangangailangang ayuda na mula sa gobyerno. Umabot nga ito sa pagbubunyag na maaring mabankarote ang OWWA sa taong 2021.
Napakalaking tulong din ang inilabas na mensahe ni Secretary Bello na dapat ay maglabas din ng pondo ang gobyerno at hindi dapat na iasa lamang sa OWWA ang gastos para sa mga OFW.
Kapuri-puri din ang mga director ng OWWA sa napakalinaw na pag-aaral o projection na kanilang ginagamit. Nuong nakaraang OWWA Board meeting ay iprinisinta sa amin ang maaring magi ging estado ng OWWA sakaling hindi magbibigay ng ayudang pondo ang gobyerno.
Aminin ko na lubha akong nalungkot at nabahala nung nakita ko ang report na posibleng sa taong 2021 hanggang 2025 ay tuluyang mababankarote ang OWWA kung hindi magbibigay ng pondo ang gobyerno.
Umabot na kasi sa mahigit na P900 milyong piso ang nagagastos ng OWWA para lamang sa mahigit na 59,000 na umuwing OFW. Kabilang sa pinagkagastusan ng OWWA ay ang pagbabayad sa mga hotel na ginamit na quarantine facilities, transportasyon at pagkain.
Dahil hindi naman natin maaring pigilin ang pag-ikot ng mundo, sa kabila ng ma laking gastusin, ay patuloy pa rin ang OWWA sa pagbibigay ng iba’t-ibang programa para sa reintegration program, welfare assistance at scholarship para sa mga aktibong miyembro nito.
Bukod sa laki ng ginagastos para sa COVID-19 emergencies, ay patuloy naman ang pagbulusok pababa ng bilang ng mga OFW na hindi nagbabayad ng kanilang regular na membership na $25 kada dalawang taon. Malaki ang epekto nito sa katayuan ng pondo ng OWWA lalo pa at limitado naman ang pwedeng paglagakan ng pondo para lumago ito.
Ngunit sa pagpasok ng karagdagang P5 bilyong pisong pondo mula sa gobyerno alinsunod sa pangako ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na hindi niya pababayaan ang mga OFW, ay nakatitiyak na ang mga OFW na hindi mababankarote ang OWWA .
Ayon sa DBM, ang P5 bilyon pison pondo ay nagmula sa pinagsama-samang savings ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno simula sa taon 2019 at 2020 national budget at alinsunod sa Republic Act 11469 o tinatawag na Bayanihan to Heal As One Act . Maaring gamitin ito para sa gastusin sa repatriation, quarantine facilities, transportasyon at pagkain ng mga pauwing OFW na apektado ng COVID-19 crisis.
