ILAN sa mga residente ng isla ng Cagbalete sa Lamon Bay, Mauban sa Quezon Province ang umaapela sa gobyerno na tuparin na ang pangako ng pamahalaan na mabigyan ng permanente at tuluy-tuloy na suplay ng kuryente ang buong bansa, kabilang na ang kanilang lugar. Matapos kasi ang pagpapa-ilaw sa Cagbalete gamit ang microgrid sa 100 residente noong May 2019, hindi na ito nadagdagan at naiwan pa ang higit 600 na kabahayan na wala pa ring kuryente.
Ayon sa isang 26-anyos na residente ng Cagbalete I na si Rosemarie Gubantes, matagal na nilang inaasam na maranasan ang benepisyo ng tuluy-tuloy na suplay ng kuryente tulad ng ibang mga lugar sa bansa. Sa Cagbalete lumaki si Gubantes, at mula nang mamulat siya ay may oras lamang na may kuryente sa bahay nila – 6:00 pm hanggang 11:00 pm at 4:00 amhanggang 6:00 am ang schedule nila. Sa mga oras na ito lang nila nagagamit ang kanilang appliances at nakakapag-charge ng cellphones at ilang gadgets.
Ayon kay Gubantes, ibang-iba ito sa sitwasyon ng mga tiga-Cagbalete na naunang naikabit sa microgrid ng Meralco, “Yung isang kaibigan kong titser ay nakakagamit ng laptop at walang problema na i-charge ‘to, gumagamit na rin siya ng washing machine na malaking tulong sa kanilang paglaba.”
“Malaki pong tulong kung mabibigyan na rin kami ng serbisyo ng kuryente. Lalong-lalo na po sa darating na pasukan, ‘yung dalawang anak ko ay magkakaroon ng online learning, paano na ang mangyayari kung ma-lowbatt na ang telepono namin. Sana ay makabitan na rin ng kuryente ang mga katulad namin na naghihintay ng second batch. Mas makakatipid po kami at mas makakagaan sa aming pamumuhay ang magkaroon ng 24-hours na serbisyo ng kuryente,” dagdag pa ni Gubantes.
Pero ayon kay Louie Montemar, ang convenor ng consumer group Bantay Konsyumer, Kuryente, Kalsada (BK3), “may solusyon naman sana dito. Bilang halimbawa, nitong Mayo 2019, pormal na sinimulan ng Meralco, Department of Energy (DOE), at Energy Regulatory Commission (ERC) ang “solar hybrid microgrid” project sa Cagbalete. Gumagamit ito ng teknolohiyang solar energy at battery storage upang makakalap at makapag-ipon ng kuryente mula sa sinag ng araw. May ilang mga diesel powered generators din na sumusuporta para makapag-suplay ng tuloy-tuloy na serbisyo ng kuryente sa isla nang hindi na kailangan ikonekta sa main grid.”
Sabi ng consumer group, “ito ang nakita ng DOE, ERC at Meralco na pinakamabisang solusyon para mapa-ilawan ang isla Cagbalete na halos labingtatlong kilometro (13km) ang layo sa pinakamalapit na linya ng kuryente sa Mauban sa Quezon. Sa kasong ito, naging mas epektibo ang pagtatayo ng isang microgrid na may sariling generating capacity para sa isla kaysa itawid pa sa dagat ang linya.”
Ayon sa BK3, “naulat na may isang taon na rin ang nakalipas subalit nasa 100 kabahayan pa lamang ang nakikinabang sa proyektong ito. Halos 600 pang mga residente ng Cagbalete ang naghihintay na sila din ay mapa-ilawan. Ang mungkahing pagpapalawig sa project para sa ‘solar hybrid microgrid’ ng Cagbalete ay naihain na ng Meralco sa ERC at hininihintay na lang ang pagsang-ayon dito ng nasabing regulator.”
“Hanggang kailan po maghihintay ang 600 pang pamilya sa isla? Kailangan pa natin ng mas marami pang ganitong set-up sa iba’t iba pang lugar sa bansa. Unahin na natin ang Cagbalete sa ngayon, subalit pabilisin natin ang paglilingkod sa ating mga mamamayan!” pagtatapos na dagdag pa ni Montemar ng BK3. JOEL O. AMONGO
