MRT 3 TIGIL-OPERASYON; 186 EMPLEYADO TINAMAAN NG COVID-19

PANSAMANTALANG sususpendihin ang operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) simula ngayong Martes, July 7.

Kaugnay ito ng paglobo ng bilang ng mga tauhan ng MRT-3 na nagpositibo sa COVID-19.

Base sa datos ng Department of Transportation nitong Lunes, 57 pa ang nadagdag na mga tauhan ng railway system na tinamaan ng virus simula noong nakaraang linggo kaya sumampa na ito sa 186.

169 umano sa mga ito ay depot personnel habang 17 ay naka-assign sa mga istasyon.

Layon ng suspensyon ng operasyon na bigyang daan ang pagsasagawa ng RT-PCR testing sa lahat ng empleyado ng MRT-3, kabilang ang mga maintenance provider at subcontractors.

Paraan din ito para mapigilan ang pagkalat ng nakahahawang sakit at para mas maprotektahan ang mga personnel at commuter.

Kaugnay nito, naiintindihan ng Malakanyang ang pagkakaroon ng 186 empleyado ng MRT 3 na nagpositibo sa COVID-19.

“Pagdating po dito, naintindihan ko na iyong mga nagkasakit sa depot, nasa depot naman po sila ‘no; hindi sila nakikihalubilo sa mga pasahero. So nagkaroon din po ng konting decrease ng serbisyo pero dahil kinakailangan din po nilang mag-repair at mag-upgrade ng kanilang facilities, hindi lang po dahil sa COVID-19. So nagkataon lang po na ngayon mas kaunti pa rin po ang pasahero ngayon dahil mayroon po silang mga konting inaayos,” ayon kay Sec. Roque.

Sa ulat, patuloy ang testing sa mga empleyado ng MRT, kung saan 1,792 pa ang hinihintay na sumalang.

Napaulat na may mga driver at nagbebenta ng tiket ng MRT ang may COVID-19. (CHRISTIAN DALE)

166

Related posts

Leave a Comment