CRIME RATE SA PINAS BUMAGSAK NG 52 PERCENT

PATULOY ang naitatalang pagbaba ng crime rate sa Pilipinas sa gitna ng ginagawang dahan-dahang pagpapagaan sa ipinatutupad na community quarantine sa iba’t ibang bahagi ng bansa base sa datos ng Philippine Natinal Police.

Ayon sa hawak na statistic ng PNP nitong nakalipas na 113 araw na pag-iral ng community quarantine, bumaba ng 52 percent ang crime rate sa bansa kumpara sa nagdaang 113 days bago ang pananalasa ng coronavirus disease 2019.

Inihayag ni Joint Task Force COVID-19 Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar na siya ring pinuno ng PNP for Operation na nakitaan ng pagbaba ng crime rate sa Luzon (53%), Visayas (53%) at Mindanao (47%) mula March 17 hanggang July 7, 2020.

Sinasabing batay sa PNP data, halos lahat ng 8 focused crimes ay nagrehistro ng pagbaba gaya ng murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft at carnapping.

Subalit nilinaw ni Eleazer na simula nang pagaanin ng IATF ang community quarantine ay may bahagya at unti-unti na ring pagtaas sa mga naitatalang krimen.

Mula sa 65 krimen per day na naitala noong unang bahagi ng pag-iral ng enhanced community quarantine ay umabot na ito sa 84 crimes per day mula nang ipatupad ang general community quarantine sa mas maraming lugar sa bansa.

Paliwanag ni Eleazar, bunsod ng pagpapairal ng GCQ, mas dumami ang mga tao sa lansangan kaya lumaki ang oportunidad ng criminal elements na makagawa ng krimen. (JESSE KABEL)

235

Related posts

Leave a Comment