“HIGHLY doubtful”.
Ganito inilarawan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang sinseridad ni Senate minority
leader at Liberal Party (LP) stalwart Franklin Drilon sa kanyang anti-political dynasty bill.
Ayon kay Defensor, kung talagang seryoso ang senador na buwagin ang mga political dynasty ay
ginawa na niya ito noong ang kanyang partido ang nasa kapangyarihan.
“With all due respect to Senator Drilon, the Liberal Party (LP) firmly controlled both houses of
Congress for six years during the Aquino administration, and yet they never bothered to pass the
bill seeking to define and forbid political dynasties,” ayon sa mambabatas.
Anim na taon aniya ang LP sa kapangyarihan at Senate President pa si Drilon sa huling tatlong taon
ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III subalit hindi nito naisip na buwagin ang political
dynasties sa bansa.
“The truth is, the LP sat on the bill because they have political dynasties of their own to protect,”
ayon pa kay Defensor, subalit hindi na ito nagbanggit kung sino-sino sa mga miyembro ng LP ang
may political dynasty.
Ngayon lamang naisipan ni Drilon na isulong ang anti-political dynasty dahil mistulang pinag-iinitan
nito ang pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte na pawang nasa pulitika.
Dahil dito, binakbakan ni Duterte sa kanyang SONA si Drilon dahil dinadamay ang kanyang mga
anak sa pagtatanggol sa mga oligarch tulad ng pamilya Lopez nang ibasura ng Kongreso ang
aplikasyon ng mga ito para sa panibagong 25 taong prangkisa ng kanilang TV network na ABS-CBN.
Hindi ipinagtaka ni Defensor ang pagbakbak ni Duterte kay Drilon dahil ipinagtatanggol nito ang
mga Lopez na napatunayang lumabag sa batas at prangkisa ng kanilang network bukod sa ang
Angara Abello Concepcion Regala & Cruz Law Offices (ACCRA) ang abogado umano ng mga Ayala sa
water concession agreement ng kanilang kumpanyang Manila Water.
Duda si Pangulong Duterte na bahagi si Drilon ng ACCRA na siyang lumikha ng water deal ng
Manila Water sa pamahalaan.
“We understand the Senator is still being retained by one of the country’s largest law firms,” ayon
pa kay Defensor. (BERNARD TAGUINOD)
