Funeral parlors oobligahin 50% DISCOUNT SA LIBING NG POBRE

LUMUSOT na sa committee level sa mababang kapulungan ng Kongreso na bigyan ng 50% funeral service discount ang mahihirap na Filipino na namamatay upang hindi mahirapan ang mga maiiwan nitong mahal sa buhay.

Walang tumutol nang isalang sa approval ang House Bill 5249 na naglalayong bawasan ng kalahati ang gastos sa pagpapalibing sa mga pumanaw na kaanak na labis na mahihirap ang pamilya.

“Napakasakit para sa mga miyembro ng pamilya na mawalan ng minamahal sa buhay subalit mas pinabibigat pa lalo ang kalagayan lalo pa kung napakaliit lang ng kinikita para gamitin sa panggastos sa pagpapalibing,” ayon sa House committee on poverty alleviation.

Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, may akda sa nasabing panukala, pamahal nang pamahal ang serbisyo ng mga funeral parlor na hindi na kaya ng mga pamilyang Filipino na nabibilang sa poorest of the poor.

Sinabi ng mambabatas na noong 2005, umabot na sa P25,000 ang singil ng mga punerarya sa kanilang serbisyo base sa pag-aaral ng University of the Philippines School of Urban and Regional Planning.

Hindi naman umano bumababa sa P50,000 ang presyo ang memorial lot sa mga private at public cemeteries at dahil 15 taon na ang nakalipas ay mas lalong nagmahal umano ito.

Dahil dito, sinabi ni Zarate na nababaon sa utang ang mahihirap na pamilya kapag namatayan ang mga ito para bigyan lang ng maayos na libing ang kanilang pumanaw na mahal sa buhay.

Upang matulungan ang mga ito, oobligahin ang lahat ng funeral parlors na bigyan ang mahihirap na pamilyang Filipino ng 50% discount.

Bibigyan ng tax credit ang mga funeral parlor sa bawat discount na ibibigay ng mga ito sa poorest of the poor families bilang tulong sa mga ito. (BERNARD TAGUINOD)

126

Related posts

Leave a Comment