Defensor ‘di kuntento sa graft at malversation PLUNDER IKASA SA PHILHEALTH OFFICIALS

HINDI kuntento si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na graft at malversation of public funds lamang ang isasampang kaso laban sa mga opisyal ng PhilHealth kaya itutulak umano nito ang mas mabigat na kasong plunder.

“Hopefully … hindi hopefully dapat mayroon ditong plunder because nakita namin ang COA (Commission on Audit) report, noon hanggang ngayon at it qualifies plunder case,” ani Defensor.

Ang tinutukoy ni Defensor ay ang P154 bilyon na nawala sa PhilHealth mula noong 2013 hanggang 2018 na overpayment at corruption sa all case rate policy na natuklasan ng COA.

Kasama rin dito ang kaso ng Cardinal Santos at Perpetual Succor Hospital sa Cebu kung saan halos P300 milyon ang nawala sa mga miyembro ng PhilHealth.

Magugunita na natuklasan sa pagdinig sa Kongreso na umaabot sa P240 million ang overpayment ng PhilHealth sa Cardinal Santos subalit imbes na singilin ito nang buo ay nakipagkompromiso ang ahensya sa nasabing pagamutan kaya P70 million na lamang ang ibinalik ng mga ito sa nasabing halaga.

Dahil dito, nawalan ng P170 milyon ang mga miyembro ng PhilHealth na puwede umanong pumasok sa kasong plunder.

Umaabot naman sa P90 milyon ang nawala sa PhilHealth nang hindi ipatupad ang tatlong buwang suspensyon sa Perpetual Succor Hospital sa Cebu kahit may pinal na desisyon dito ang Court of Appeals (CA) at sa halip ay pinatawan lamang ng P100,000 penalty ang nasabing pagamutan.

Buwan-buwan ay umaabot umano sa P30 milyon ang PhilHealth claim ng Perpetual Succor kaya duda si Deputy Speaker Rodante Marcoleta sa naging desisyon ng ahensya. (BERNARD TAGUINOD)

139

Related posts

Leave a Comment