MATINDI ang takot ng bawat mamayan lalo na ng mga OFW sa COVID-19 virus sa buong mundo. Dahil bukod sa nakamamatay ay mabilis din itong nakakahawa o kumakalat.
Sa tala ng Department of Foreign Affairs o DFA nitong Setyembre ay umabot na sa 10,116 ang kabuuuang bilang ng mga OFW sa buong mundo ang nagpositibo sa COVID-19.
Higit sa 3,074 ang kasalukuyang ginagamot at mahigit sa 6,284 ang gumaling na. Samantala ay umabot naman sa 758 ang bilang ng mga namatay sa ibang bansa ng dahil sa virus na ito.
Sa Middle East na sumasakop sa 27 mga bansa ang may pinakamaraming bilang ng mga OFW na nagkaroon ng virus na umabot sa 6,975 at sinundan ng Asia Pacific Region na may kabuuang 1,187 na kaso. Sa Europa na kinabibilangan ng 18 bansa ay mayroon namang 1,168 na kaso.
Pero sa Pilipinas ay may bagong mas nakakahawa na patuloy na kumakalat sa buong bansa. Kabaligtaran naman ito ng COVID 19 na nakamamatay. Bagkus ito ay may hangarin na tumulong sa pagbuti ng pamumuhay lalo na ng mga OFW at kanilang pamilya.
Ang aking tinutukoy ay ang paglaganap ng mga sumusuporta sa ating AKO OFW na mistulang nakakahawa ang paglaganap ng pagmamalasakit sa maraming lugar sa Pilipinas. Matapos kasi nating i-anunsiyo ang pagkakaroon ng ating bagong membership forms para sa mga gustong maging kasapi ng AKO OFW, ay bumuhos ang mga mensahe sa aking email at Messenger na kung saan ay kanilang iniaalok ang kanilang sarili upang tumulong sa pagpapalaganap ng ating AKO OFW sa bawat region at barangay sa buong Pilipinas.
Bukod kasi sa ating mga natutulungan na mga pamilyang OFW at maging ng mga OFW na humihingi ng tulong sa ating pahayagang Saksi Ngayon, ay marami ring iba pang programa ang ipinagkakaloob at inihahanda ng ating grupo.
Kabilang na rito ang pagkakaroon ng diskwento sa mga “partner establsihments” kapag ipinakita ang AKOOFW membership card na libreng ipinamimigay ng mga chapter presidents sa kanilang barangay o bayan na nasasakupan.
Ang Livelihood Training program ay isa sa mga programang pinalalakas ng AKO OFW upang ihanda ang mga miyembro nito para sa pagpasok sa mga negosyo na makakatulong sa pamilya ng mga OFW.
Ang AKO OFW ay pinamumunuan ni National President Marcia Sadicon –Gonzalez at katuwang ang mga Chapter Chairmen na sina Dr. Carlos Tolosa Capitan ll , (Davao City) Reynald Santos (Batangas Province), Reza Castillo (Davao de Oro) Nikki Fajilan (Sta.Rosa, San Pedro,Laguna), Karlo Hain (Cabuyao,Laguna), Anne Mahinay (Bukidnon), Joselito Manuel (District 2-Makati City), Reynaldo Ferer (Cagayan Valley), Kristian Dela Paz (Kuwait ), Nasser Hulleza (Central Province-KSA), Dannu Salunga (Eastern Region-KSA), Jhen Guardia (United Arab Emirates).
Sa bawat bansa na may OFW ay mayroon din mga itinalagang Chapter Presidents . Ilan sa kanila ay sina Richard Bautista (Riyadh), Jill Guard (Qatar), Josephine Borja Duque (Rome,Italy), Jospeh Banal (Japan), May Saguitan siapno-Cantal (Kuwait), Romano Roman (Kuwait), Alan Tulalian (Trinidad &Tobago), Bethbee Prado(Germany)Mycel Develos (Malaysia), Danilo Robles (Greece) at Marylin Rapas (France).
Samantala sa Pilipinas ay nagtatalaga rin ng mga Chapter sa bawat Munisipyo at kada-Barangay. Ito marahil ang klase ng bagay na nakakahawa na dapat na ipalaganap.
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.
208
