NOW it can be told –mga katagang malimit nating marinig sa mga Kano.
At mga giliw naming mambabasa ng SAKSI NGAYON, dito n’yo lang malalaman na nang manalo sa Asian T&F ang ating ipinagmamalaking pole vaulter Ernest John Obiena, iyon ang kauna-unahang pagkakataong nagwagi ang Pilipinas ng gintong medalya sa pole vault sa loob ng kulang-kulang na 100 taon.
Si Antonino Alo, na marahil ay wala nang nakakikilala ngayon kundi ang kolumnistang ito, ang huling nakapag-uwi ng gintong medalya sa nasabing event nang talunin niya ang mga nakalabang Chino at Hapones sa ika-pitong edisyon ng Far Eastern Games na idinaos noong 1925 sa Maynila.
Iyon ang huli sa anim na taong paghahari ni Alo sa pole vault matapos niyang makamit ang unang puwesto noong 1919 sa Maynila, 1921 sa Shanghai, China at 1923 sa Osaka, Japan.
Kinilalang “Asia’s Strong Man” si Alo noong 1919 nang manalo siya ng dalawang gintong medalya sa pole vault, at manguna rin sa discus throw.
Sa totoo lang, dinomina ng mga Pilipino ang pole vault sa unang 10 taon ng FEG mula noong 2013. Unang nag-kampeon si Remigio Abad sa unang edisyon ng palaro sa Dulong Silangang Asya noong 1913.
Sinundan si Abad ni Genaro Saavedra na nanalo noong 1917.
Pagkatapos ni Alo, wala nang Pilipino ang nagwagi sa nasabing event.
Ngunit noong Abril 21, 2019, Pasko ng Pagkabuhay, pinagkalooban ni Obiena ang Pilipinas ng unang gintong medalya nito sa isang Asian level na kompetisyon sa loob ng 94 taon, nang magawa niyang talunin ang rekord na 5.71 metrong taas sa 23rd Asian Athletic Championships na ginanap sa Doha Qatar.
Si Obiena na tutuntong sa kanyang ika-25-anyos, isang Tondo boy at anak nina dating pole vault great Emerson at hurdler na si Jeanette, ay tinuldukan ang kulang isang siglong pagkauhaw ng bansa sa gintong medalya na huling nalasap noong 1925.
Anim na buwan makaraang makoronahang bagong hari ng pole vault sa Asya, tinalon ni Obiena ang taas na 5.81 metro para maging kauna-unahang Pilipino na nakapasok sa sana’y 2020
Olympics ngunit ipinag-paliban sa susunod na taon dahil sa pandemya.
Si EJ ay kasalukuyang naka-base sa Formia, Italy kung saan siya naghahanda para sa Tokyo Olympics.
Puspusan ang pag-eensayo ni Obiena, na lumahok sa ‘di kukulangin na walong world-class competitions sa Europa mula noong Agosto.
At sangayon sa kanyang amang si Emereso at inang si Jeanette, matagumpay naman ang kanilang anak sa mga nakaraang kampanya kung saan ay humakot siya ng isang medalyang ginto, dalawang medalyang pilak at tatlong medalyang tanso.
Tinalo ni Obiena si Renaud Lavillenie ng Pransya noong Setyembre 8 lamang sa Ostrava Golden Spike World Continental Tour France, kung saan ay tumalon siya sa taas na 5.74 metro.
Nakapag-uwi ang talentadong Pilipino ng dalawang silver medals, una noong Agosto 1 sa Treste, Italy kung saan ay tinalon niya ang 5.45 metrong taas at sa Formia, Italy noong Agosto 17, 5.60 metro.
131
