MISTULANG bumangga sa pader ang isang lisensyadong ahensya na Richland International Manpower Specialist matapos na seryosohin ng Philippine Overseas Employment Administration ang pagsasampa ng reklamo sa panig ng mga pribadong complainant na sina Sherry Dela Cruz, Victor Quirol, Rene Dela Cruz, Levito Ratilla at Amado Salvador.
Base sa dokumento na aking nakalap, ang mga nasabing OFW ay nag-apply sa Richland International Manpower bilang Factory worker sa bansang Poland. Una nilang naka-usap ang may-ari ng ahensya na isang Chinese national na kung saan ay binigyan sila ng orientation para makapagtrabaho diumano sa LG Electronics sa Poland.
Dito ay ipinaliwanag ng may ari ng ahensya na kinakailangan nilang magbayad ng 100,000 PhP para sa pagproseso ng kanilang work permit. Kinakailangan din umano na sila ay bumisita sa Poland Embassy sa Malaysia para naman sa pagproseso ng kanilang Visa.
Sa kabuuan ay gumastos sila ng mahigit 200,000 PhP para sa gastos sa visa, pamasahe sa eroplano, hotel sa Malaysia. Ngunit lahat ng kanilang pinagbayaran sa ahensya ay hindi nilakipan ng resibo ng Richland International Manpower.
Mariin naman pinabulaanan ng nasabing ahensya ang sumbong ng mga nasabing OFW. Tugon nito ay “they acted in good faith”.
Ngunit hindi naman pinatos ng POEA Legal Department sa pamumuno ng aking kaibigan na si Director Ria Corazon S. Lano ng POEA Licensing and Regulation Office ang ganitong pangangatwiran at tuluyang ipinataw ang parusang Cancelation of License at iba pang penalty na nakapaloob sa kautusan.
Dahil dito ay lubusang natuwa ang mga biktima at halos lahat sa kanila ay napasigaw sa saya at sobrang nagpasalamat sa POEA.
Nilathala ko ito upang maging aral sa mga ahensya at maging sa mga OFW. Hindi porke lisensyadong ahensya ay hindi na gumagawa ng kabulastugan. Dapat na maging mapanuri sa kanilang mga pinag-aaplayan.
May ilan pang ahensya ako na nababalitaan na imbes na official receipt ang ibinibigay kapalit ng binabayarang placement fee ay isinusulat lang ito sa isang maliit na papel.
Kaya, dapat din maging matalino ang sinuman na ibig maging isang OFW. Kung sa kanilang palagay halimbawa sa simula pa lamang ng kanilang proseso ay hindi na tugma sa patakaran ng POEA, bago pa lamang sumabak sa pagbabayad ay magtungo muna sa opisina ng POEA para magberipika upang hind imaging biktima.
Ang AKOOFW ay lubos na nagpapasalamat sa Anti-Illegal Recruitment Department at sa Licensing and Regulations Office ng POEA sa kanilang ipinapakitang pagmamalasakit sa mga kasong ating inilalapit sa kanilang tanggapan.
Samantala, ibig ko rin iparating kay Director Ria Corason Lano ang sumbong ni OFW Rosalia Lucina na nasa Riyadh, Saudi Arabia.
Ang kanyang ahensya ay ang Hannan International Manpower. Ayon sa kanyang sumbong ay dumating siya sa Riyadh noon pang August 29, 2019 at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin sya binibigyan ng kanyang iqama or residence visa.
Inilipat din siya ng kanyang amo sa ibang employer. Noong siya ay binigyan ng sahod na 3,000 riyal para sa dalawang buwan na pagta-trabaho, ay agad din itong binawi ng kanyang employer.
Inilapit ko na rin ang kasong ito sa ating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Welfare Officer na si Lito David, ngunit hanggang sa sinusulat ko ito ay wala pa akong nakukuhang impormasyon.
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.
168
