2021 BADYET NG MMDA, TINAPOS NA NG KONGRESO

TINAPOS na ng mababang kapulungan ng Kongreso ang deliberasyon sa panukalang 2021 badyet ng Metropolitan Manila Development Authority na nagkakahalaga ng P4.39 bilyon matapos itong busisiin sa plenaryo.

Ayon kay Committee on Appropriations Vice Chairman at Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jalosjos Jr., mayroong 3,800 MMDA traffic encoders at 900 mula sa OYSTER (Out of School Youth

Serving Towards Economic Recovery) Program na kinabibilangan ng mga street sweeper, sanitation personnel at street maintenance workers ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Ito ay sanhi ng pag-realign ng 2020 pondo ng MMDA na nakalaan sana para sa kanilang mga sweldo, upang punan ang pondo ng Bayanihan to Heal as One Act.

Sa pagsusulong ng panukalang badyet ng MMDA, sinabi ni Jalosjos na kailangang dagdagan ng P500 milyon ang pondo ng ahensya upang maibalik sa trabaho ang mga tinanggal na kawani na siyang responsable sa pagpapaluwag ng trapiko, paglilinis ng kapaligiran at pagmamantine ng mga pangunahing lansangan at kalsada sa metropolis.

Sinuportahan naman ni Quezon City Rep. Jose Christopher Belmonte ang anomang amyenda sa panukala, maibalik lang ang P500 milyong pondo sa 2021 badyet ng MMDA. (CESAR BARQUILLA)

184

Related posts

Leave a Comment