HUSTISYA MAILAP KAY OFW CECIL MORALLA AT IBA PANG MGA OFW

SADYANG napakailap ng pagbibigay ng tulong at hustisya para kay OFW Cecil Moralla na kasalukuyang nasa Jeddah, Saudi Arabia.

Ayon sa sumbong ni OFW Moralla, mahigit anim na buwan na siyang hindi nakakatanggap ng kanyang buwanang sahod. Bukod pa rito ay malimit daw siyang sinasaktan, pinagsasalitaan ng masasakit at minumura ng kaniyang employer.

Kinumpiska rin daw ang kanyang telepono, kung kaya ang lahat ng impormasyon na aking nakakalap ay nagmumula sa isang Indiyano na driver ng kanyang amo.

Si OFW Moralla ay dokumentadong OFW na na-deploy ng FORZA Global Services.

Sumbong ng pamilya ni OFW Moralla ay hindi rin sila tinutulungan ng nabanggit na ahensya upang malaman ang tunay niyang kalagayan.

Noon Setyember 22, 2020 pa lamang ay akin na itong inihingi ng tulong kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Welfare Officer Yolanda Penaranda na agad naman gumawa ng lahat ng paraan para masaklolohan si OFW Moralla. Ngunit bigo ang lahat ng pagtatangka na siya ay masaklolohan.

Kahapon ay nakatanggap akong muli ng update nabigo ang OWWA sa pangalawang pagkakataon na masaklolohan si OFW Moralla.

Lumapit na rin sila sa Obhur Police Station ngunit sinabihan lamang ito na maghintay pa muli ng panibagong pagkakataon na mapuntahan ang tahanan ng kanyang employer.

Gayunpaman ay hindi huminto si Welof Penaranda at lumapit na ito sa mas nakatataas na pinuno ng Pulisya.

Bagaman ang ating OWWA ay gumagawa ng paraan na matulungan na masaklolohan si OFW Moralla, dapat naman na tumulong din ang kanyang ahensya na makipag-usap at pursigihin ang Saudi recruitment agency nito na Waad Almsader Recruitment Office upang himukin na personal na kausapin ang employer ni OFW Moralla.

Gayundin, ang AKOOFW ay labis na nakikiusap kay ­Philippine Overseas Employment Administration (POEA)Licensing and Regulatory Division Director Ria Lano na kastiguhin at bigyan ng karampatang aksyon ang ahensyang Forza Global Services Inc. kung sakaling mapatunayan na ito ay nagkulang sa pagbibigay ng tulong kay OFW Moralla.

Samantala, isa pang sumbong ang akin din natangap mula sa bagong grupo ng mga kawani na deployed ng Staffhouse International at Global Connect na kinabibilangan nina Romar Gubot, Clyde Fernandez Rodel, Rene Lanit Millor, Rembrant Rosel, Ariel C. Egdanie, Francis Rey Clet, Antonio Magno Jr, Harris M. Barrozo, John Lee P. Notario, Eddie Vidal Jr., Bryan Ludovice, Marck Joven C. Aquino, Dennis P. Feliciano at Rodrigo D. Valencia Jr.

Diumano ay natulungan sila ng ating POLO upang mapasama sa chartered flight ngunit hindi naman sila binigyan ng exit visa ng kanilang employer kung kaya hindi rin sila nakalipad pauwi ng Pilipinas.

Ayon sa kanilang sumbong: “We are almost 7months na din po na no work no pay, hirap sa pagkain at tubig na kahit nandito na kami sa poder ng agency ay wala pa rin silang aksyon. Kundi lang sa mga kapwa pinoy na nagbibigay ng food pack hindi po kami makaka survive. Wala po kaming ibang hiling kundi ang makauwi na po ng pilipinas sa dami ng violations nila at tagal na naming nahihirapan. Maraming salamat.”

Naipadala ko na kay POEA Administrator Bernard Olalia ang sumbong na ito at umaasa ang AKOOFW na ito ay mabibigyan na ng karampatang aksyon.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.

98

Related posts

Leave a Comment