BIONIC TILA NALUMPO AT NAWALAN NA NG LAKAS

NOONG 1973 hanggang 1978 ay talagang sinubaybayan ko ang sikat na sikat sa telebisyon na The Six Million Dollar Man na mas kilala bilang si Bionic Man. Ito ay isang character na nagtataglay ng hindi pangkaraniwang lakas dahil sa teknolohiya.

Bagaman ang teleserye na ito ay isang kathang isip lamang, ay napaniwala ako nito noong aking murang edad na ito ay totoong nagaganap at hanggang sa kasalukuyan ay may mga taong umiidolo nito at naghahangad ng magkaroon ng kaparehong kapangyarihan ng The Bionic Man upang makatulong sa sangkatauhan.

Marahil ay kabilang dito ang Bionic Manpower Services na naghahangad ng lakas at kapangyarihan upang maging maunlad ang kanilang negosyo.

Ngunit nitong nakalipas na mga buwan ay tila tuluyan nang naglalaho ang kapangyarihan ng Bionic Manpower Services sa pagbibigay nang tulong sa isang OFW na kanilang ipinadala sa Riyadh, Saudi Arabia.

Ang aking tinutukoy ay si OFW Marilyn D. Garais. Dumating siya sa nasabing bansa noong Nobyembre 19, 2019 upang magtrabaho bilang kasambahay sa tahanan ni Mohammad Aqail Ibrahim.

Maayos naman ang pakikisama sa kanya ng kanyang employer na lalaki na si Mohhama, ngunit tila ito ay minamasama ng kanyang employer na babae.

Ayon kay OFW Garais ay lagi siyang pinagiinitan o pinapagalitan ng kanyang among babae at sa bandang huli ay natuklasan nya ang nauna niyang hinala na ito ay talagang nagseselos sa kanya.

Dahil sa pagseselos ng kanyang among babae, ay halos araw-araw matapos na siya ay makatapos ng kanyang mga gawaing bahay ay ikinukulong sya sa loob ng kanyang kwarto ng kanyang among babae, at bibigyan lamang ng kanyang pagkain tuwing alas-sais ng gabi.

Sa halos isang taon na ganitong ginagawa sa kanya ay nagsumbong na sya sa kanyang ahensya na Bionic Manpower Services, ngunit diumano ay sinabihan lamang sya na magtiis at sa pinakahuling pagsusumbong ay sinabihan sya na wala pa silang magagawa dahil nakasarado pa ang kanilang opisina.

Nitong nakaraang Miyerkoles ay tumawag sa akin sa pamamagitan ng video call si OFW Garais at sobrang naghihina na ang kanyang kalooban at humihingi ng tulong para siya ay makatakas na lamang sa kanyang amo, bagay na aking tinutulan dahil maaring ito ay kanyang ikapahamak at malamang na siya pa ang makasuhan.

Gayunpaman, matapos ang aming pag-uusap ay agad kong tinawagan ang kinatawan ng ahensya na si Careena, ngunit ayaw nitong sagutin ang aking tawag kahit pa ako ay nagpakilala na bilang miyembro ng OWWA Board of Trustees.

Ang sumbong na ito ni OFW Garais ay akin na rin ipinarating kay Director Ria Lano ng POEA Licensing and Regulatory Division upang mabigyan ng karampatang aksyon ang tila pagbabalewala ng nasabing ahensya sa paghingi ng tulong ng kanilang dineploy na OFW.

Umaasa ang AKOOFW na hindi magpapatumpik-tumpik ang POEA Licensing and Regulatory division sa pagbibigay disiplina sa mga ahensyang tila nawawalan nan g lakas para tulungan ang kanilang mga deployed OFW.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.

238

Related posts

Leave a Comment