DOTr SUMAGOT SA ‘BASHERS’ NG MRT, LRT

mrt3

(NI KEVIN COLLANTES)

HUMIHINGI ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) at Light Rail Transit Authority (LRTA) ng pang-unawa at kooperasyon mula sa mga pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at LRT, hinggil sa ipinatutupad nilang pagbabawal sa pagdadala ng bottled water at iba pang likido sa mga tren.

Ipinaliwanag ni DOTr Communications Director Goddess Hope Libiran na ang kanilang paghihigpit ay para rin naman sa kaligtasan ng lahat ng mga pasahero, kaya’t humihingi sila ng pang-unawa sa mga ito.

Ayon kay Libiran, hindi na baleng maghigpit sila kaysa naman magpabaya, malusutan ng mga terorista, at malagay sa panganib ang buhay ng mga pasahero.

“Ang sinasabi nga po namin sa aming mga mananakay kapag kami ay humihingi ng kanilang understanding is ito pong paghihigpit na ito ay hindi naman po para sa amin, para po ito sa lahat ng pasahero,” ani Libiran, sa panayam sa telebisyon.

“Kasi nga di bale ng maging mahigpit kami sa marami kaysa naman maging lax kami at malusutan kami ng isang terorista na kayang pumatay ng libu-libong tao,” paliwanag pa ni Libiran.

Dagdag pa ni Libiran, ang direktiba naman hinggil sa prohibisyon ay mula mismo sa Philippine National Police (PNP), kasunod na rin nang naganap na pagpapasabog sa cathedral sa Jolo, Sulu, gayundin sa isang mosque sa Zamboanga City.

Sinabi naman ni Libiran na, depende sa magiging desisyon ng PNP,  posible ring maging permanente na ang naturang pagbabawal sa bottled water sa mga tren.

“Actually, depende po ito sa magiging kautusan po ng Philippine National Police dahil sila po ‘yung nagbigay ng guidance sa aming mga railway lines na ipagbawal muna ‘yung mga bottled waters o any form of liquid na makapasok doon sa train stations,” ani Libiran. “Sila daw ay maglalabas ng IRR (implementing rules ang regulation) ukol dito dahil po naniniwala kami na mayroon din pong mga cases na kailangan din pong i-consider.”

Samantala, nilinaw naman ng pamunuan ng LRTA na ang pagbabawal sa bottled water at liquid items sa tren ay bahagi ng ipinatutupad na security precaution.

Umapela rin naman ang LRTA sa mga pasahero na makipagtulungan sa kanila at maging mapagmatyag din sa araw-araw nilang biyahe.

Sinagot rin naman ang LRTA ang tweet ng isang pasahero na kumukwestiyon sa prohibisyon.

Sa naturang tweet, ibinahagi ng netizen ang larawan ng isang lalaking may dalang galon ng tubig sa loob ng LRT-2.  Aniya, hindi empleyado lamang ng LRT-2 ang lalaki dahil iba ang suot nitong ID.

Gayunman, ayon sa LRTA, ang naturang lalaki sa larawan ay utility personnel ng LRT administration, at ang mga galon ng tubig na dala nito at ipinasok sa tren ay idedeliber sa Betty-Go Belmonte station.

 

 

282

Related posts

Leave a Comment