OFW SA RIYADH NANAWAGAN NG TULONG KAY LABATT NASSER AT PHILCANGO

HINDI talaga matatapos ang bawat araw na walang OFW mula sa Riyadh, Saudi Arabia ang mananawagan ng tulong para masaklolohan.

Samu’t-saring problema o sumbong ang aking natatanggap mula sa mga OFW sa Saudi Arabia at malimit dito ay ang pagmaltrato at hindi pagbabayad ng sweldo ng kanilang amo.

Ang liham na aking bibigyan ng puwang ay nagmula sa ­aking kaibigan na dating kapitan ng ­Poblacion at ­ngayon ay isa ng Municipal Councilor sa Tupi, South Cotabato na si Councilor Mao Yabut.

Si Konsehal Yabut ay ­regular na nagpapadala sa akin ng mga sumbong at reklamo ng mga OFW na nagmumula hindi lamang sa kanilang bayan ng Tupi, kundi maging sa mga karatig bayan sa lalawigan ng South Cotabato.

Ayon sa sumbong na ­aking natanggap mula sa pamilya ni OFW Rose ­Aguisando na ­ipinarating sa pamamagitan ni konsehal Yabut, sobrang namamayat at nanghihina na si OFW Aguinsado.

Siya ay kasalukuyang nasa tahanan ng kanyang employer sa Riyadh, Saudi Arabia.

Si OFW Aguinsado ay nakarating sa nasabing bansa sa pamamagitan ng PHILCANGO International Recruitment Services Incorporated noong February 26, 2019.

Ang kanyang Saudi recruitment agency ay ang Fatrat Al Enjaz Manpower.

Ayon sa kwento ni OFW ­Aguinsado sa kanyang pamilya dito sa Pilipinas ay, “Sinaktan po siya ng Nanay ng employer niya. Pinagbabawalan po siya gumamit ng kanyang cellphone ­katunayan ay hawak mismo ng kanyang employer ang kanyang ­sariling mobile phone. Halos tuwing ika-3 o apat na buwan sya bago makatawag sa amin pero mas malimit na tuwing apat na buwan bago namin sya maka-usap. Hinahayaan lamang siyang makatawag sa kanyang pamilya tuwing ipapadala ang kanyang sahod tuwing 2-3 buwan para ibigay lamang ang reference number mula sa remittance center. ­Palaging delayed po ang sahod nya.”

Idinagdag din ng pamilya ni OFW Aguinsado ang kanilang pag-aalala dahil siya ang inuutusan ng kanyang employer na mag-inject ng gamot para sa ina ng ­employer na may karamdaman sa diabetis gayung hindi naman ito isang nurse.

Lubhang nag-aalala ang kanyang pamilya dahil sa huling larawan na nakita nila ay sobrang bumagsak na ang pangangatawan ni OFW Aguinsado dahil sa kakulangan ng pagkain na ibinibigay sa kanya. Hindi rin siya ­pinapayagan na makapag-day off kung kaya ang buong linggo sa bawat buwan ay talagang nauubos sa pagtatrabaho.

Matindi na rin ang kawalan ng tiwala ni OFW sa kanyang ahensya at sa ­Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh dahil nang minsan na siya ay nagpahatid sa ahensya at sa POLO ay ibinalik lamang siya uli sa kanyang employer.

Ang AKOOFW ay nanawagan kay Labor Attache Nasser Mustafa na kanyang gawin ang lahat ng kanyang magagawa upang saklolohan si OFW Aguinsado.

Hindi tama na ang isang OFW na lumapit na asa POLO ay ibalik pa sa kanyang employer lalo na kung malinaw na may nilabag sa kontrata at nakokompromiso na ang kanyang kalusugan at ­pangangatawan.

Gayundin ang aking panawagan sa PHILCANGO International Recruitment Services Inc. na kanilang bigyan pansin ang kalagayan ni OFW Aguinsado.

Huwag na sana nilang antayin na tuluyan pang lumala ang kasalukuyang pinagdaraanan ng ating kabayani.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.

336

Related posts

Leave a Comment