(NI ABBY MENDOZA)
HINDI nagrekomenda ng kaso ang dalawang komite ng Kamara laban kay dating Bureau of Customs Chief Isidro Lapeña kaugnay sa sinasabing naipuslit na P11 bilyong halaga ng iligal na droga sa bansa noong nakaraang taon.
Sa 19-pahinang committee report ng House Committee on dangerous drugs at House Committee on good government and public accountability, tanging sina dating Customs intelligence officers Jimmy Guban, dating police Sr. Supt. Eduardo Acierto at dating deputy director Ismael Fajardo ang pinaiimbestigahan at pinakakasuhan.
Ayon sa dalawang komite na nagsagawa ng imbestigasyon sa nasabing insidente, hindi nila nakitaan ng pananagutan si Lapeña sa naturang shipments.
Matatandaan na nilinis din ng Senate Blue Ribbon Committee si Lapena sa naging desisyon nito noong Disyembre kaugnay ng isinagawa ding parehong imbestigasyon.
Natukoy namang lumabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 sina Vedasto Baraquel, Guban, Fajardo at Acierto dahil sa dalawang magnetic lifters na naglalaman ng shabu at nasakote sa Manila International Container Port.
Dapat rin umanong kasuhan ang may-ari ng mga sasakyang ginamit para makapasok sa warehouse sa Cavite kung saan natagpuan ang iba pang magnetic lifters.
Inirekomenda rin ng dalawang komite ang pagpapatupad ng mga reporma sa BOC kabilang ang pagkakaroon ng standard operating procedure sa pagsasagawa ng x-ray sa mga hindi pamilyar na bagay.
Gayundin, ang modernisasyon ng x-ray machines, implementasyon ng “no x-ray, no entry policy”; pagsailalim sa tamang training ng x-ray inspectors; pagkakabit ng CCTV cameras sa ilang partikular na lugar sa mga pantalan at mga opisina ng BOC; at pagsusuot ng body cameras ng Customs inspectors.
Sa kasagdagan ng shabu scandal mess ay inilipat ni Pangulong Rodrigo Duterte si Lapena sa Technical Educatiom and Skills Development Authority(TESDA).
219