AABOT sa P46 milyon ang nais ni Senador Win Gatchalian na dagdag sa budget ng Department of Energy (DOE) para sa susunod na taon para mapondohan ang pagsasaliksik sa mga umuusbong na mga teknolohiya na magiging daan para mapababa ang presyo ng enerhiya sa bansa.
“Kailangan nating mamuhunan sa mga pag-aaral para matuklasan natin ang mga alternatibong mapagkukunan ng suplay ng enerhiya. Ang makakalap natin dito ay makakapagpabago sa ating pamumuhay at kalaunan ay makakapagbigay katipiran sa ating mga gastusin,” ayon kay Gatchalian na chairman ng Senate Energy Committee.
Iminungkahi rin ni Gatchalian ang paglalagak ng P20 milyon para sa pag-aaral sa energy transition, P20 milyon para sa isang comprehensive roadmap ng electric vehicles (EVs) at P6 milyon para pag-aralan ang energy generation gamit ang pasilidad ng waste-to-energy (WTE).
“Habang patuloy ang pagbaba ng presyo ng mga renewable energy at battery storage, at may 10 taon pa para tugunan natin ang 2030 Paris Agreement, importanteng gumawa ang DOE ng mga hakbang para mapag-aralang mabuti kung paano makakaagapay ang ating bansa sa mga pagbabago patungo sa pag-decentralize, digitalize at decarbonize ng sistema sa enerhiya habang isinasaalang-alang ang seguridad at presyo nito,” paliwanag ni Gatchalian.
Aniya, layon ng nasabing pag-aaral sa energy transition na tingnan kung paano matutugunan ng gobyerno at industriya ang pangangailangan ng lahat ng sektor tulad ng agrikultura, fisheries at forestry, commercial at industrial, residential at transportasyon, pati na rin ang papel na gagampanan ng mga ahensya sa gobyerno.
Paliwanag ng senador, punong may-akda at sponsor ng Senate Bill No. 1382 o ang panukalang Electric Vehicles and Charging Stations Act, na ang paglalagak ng pondo para sa pagbalangkas ng comprehensive roadmap para sa mga EVs ay naaayon sa mandato ng DOE sa ilalim ng RA 7638.
Sinabi rin ng mambabatas na layon ng pagsasaliksik sa WTE na makadiskubre at madagdagan ang mga lokal na mapagkukunan ng suplay ng enerhiya.
Bukod pa rito, ang pagkakaroon ng mga WTE na pasilidad aniya ang magbibigay kalutasan sa lumalalang problema sa basura ng bansa at maaaring makapagbigay ng kontribusyon sa pagpapatatag ng seguridad ng enerhiya. (NOEL ABUEL)
