NADAKIP ng mga tauhan ng Cubao Police Station 7 ng Quezon City Police District (QCPD) ang serial rapist at holdaper sa Malibay, Pasay City nitong Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ni QCPD Director, P/Brigadier General Danilo P. Macerin ang suspek na si Marianito Sta. Maria, alyas “Robertson Bautista” at “Jayson Mallari,” 27-anyos, tubong Cavite at residente sa #197 JP Santos St., Malibay, Pasay City.
Ayon sa report ng pulisya, dakong alas-5:04 ng umaga noong Disyembre 1, ang biktimang freelance therapist ay nagtungo sa Cubao Police Station (PS-7), sa ilalim ng pamumuno ni P/Maj. Jowilouie B. Bilaro, at ini-report ang insidente ng panggagahasa at pagholdap sa kanya ng suspek noong Nobyembre 30 sa Room 306 ng Yale Apartelle sa Yale St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City matapos silang magkasundo na magkita sa pamamagitan ng social media, para sa two-hour ventosa massage therapy.
Ayon sa biktima, hiniling muna niya ang bayad para sa kanyang serbisyo, ngunit sinabi ni Sta. Maria na ang kanyang pera ay nasa loob ng kanyang sasakyan na ginamit ng kanyang pinsan.
Makalipas ang dalawang oras na pagmasahe ay siningil ng biktima ang suspek ngunit sinabi ng huli na makikipagkita muna siya sa kanyang pinsan.
Habang patuloy ang pagmamasahe ay muling hiningi ng biktima ang P2,000 bilang kabayaran sa kanyang serbisyo ngunit bumunot ng patalim ang suspek at siya ay pinagbantaang sasaktan.
Pagkaraan, inutos ng suspek sa biktima na ibigay ang kanyang pera at cellphone. Inutos din ng suspek sa biktima na ito ay maghubad at ito ay hinalay.
Kaugnay nito, nagkasa ng manhunt operation ang mga tauhan ng PS-7 na nagresulta ng pagkakaaresto sa suspek dakong alas-3:40 ng madaling araw nitong Huwebes sa harapan ng Philtranco Bus Terminal sa EDSA, Malibay, Pasay City.
Bukod sa freelance therapist ay may iba pang mga biktima ang suspek na lumutang PS-7, na itinuro si Sta. Maria na siyang gumahasa sa kanila.
Ang suspek ay sinampahan ng kasong robbery with rape sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“Hinihikayat ko ang ating mga mamamayan na kaagad magsumbong sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya kapag nakaranas ng ganitong pangyayari. Huwag kayong matakot na magsumbong sapagkat ang inyong kapulisan ay inyong kakampi,” pahayag ni Macerin. (JOEL O. AMONGO)
239
