Tuloy ang putukan ngayong Yuletide season CEASEFIRE TINABLA NG AFP

WALANG plano ang Armed Forces of the Philippine (AFP) na magrekomenda kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang kanilang commander-in-chief, ng Christmas truce o pansamantalang tigil-putukan sa hanay ng komunistang New People’s Army ngayon holiday season.

Ayon sa pamunuan ng AFP, bukod sa kawalan ng sinseridad ng CPP-NPA ay wala rin silang nakikitang dahilan lalo pa’t lagi namang nilalabag ng hanay ng mga rebelde ang kanilang sariling ceasefire declarations.

“They venture on peace talks only to give themselves the chance to regroup, refurbish, recruit new members, and recoup their losses,” ayon sa pahayag na inilabas kahapon ni Marine Major General Edgard Arevalo, commander, AFP Education, Training and Doctrine Command, AFP spokesperson at tagapagsalita ng NTF ELCAC Peace, Law Enforcement, Development and Security (PLEDS) Cluster.

Ayon kay MGen. Arevalo, higit sa lahat ang kasundaluhan ang siyang naghahanap at nanalangin na magkaroon ng tigil-putukan sa panahon ng Kapaskuhan upang maramdaman ng sambayanang Filipino ang pagkakaroon ng mapayapang yuletide season.

Base umano sa kanilang karanasan, madalas na nilalabag ng communist terrorist group ang kanilang sariling ceasefire declaration. Pagpapakita ng CTG ng kanilang “incapacity for sincerity and for being unfaithful to a covenant”.

Ayon kay Arevalo, mismong si Luis Jalandoni, NDF negotiator, ang tahasang nagsabing isinusulong nila ang peace negotiations hindi para magkaroon ng kapayapaan kung hindi higit na maisulong ang armadong pakikibaka bilang daan sa pagpapatalsik sa gobyerno.

Nilinaw naman ni AFP Chief General Gilbert Gapay, sa likod ng kanilang nasabing posisyon, tinitiyak nila sa Pangulong Duterte na susuportahan ng Hukbong Sandatahan, anuman ang maging pasya ng kanilang commander-in-chief.

Sa datos ng military, isang sundalo ang pinatay habang walo ang malubhang nasugatan sa isinagawang pag-atake ng NPA sa Camarines Sur at Iloilo, ilang araw bago mag-Pasko. (JESSE KABEL)

136

Related posts

Leave a Comment