WALANG pulis sa mga lugar na pinagtambangan kina Los Baños Mayor Ceasar Perez at dating Pagbilao Mayor Romeo Portes sa magkahiwalay na araw.
Ito ang lumabas sa mga imbestigasyong isinagawa ng mga pulis sa pagkamatay nina Perez at Portes.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) sa Laguna, walang bodyguard na mga pulis si Perez nang pagbabarilin ng nag-iisang suspek sa ulo at katawan noong gabi ng Disyembre 3.
Mabilis na naitakbo si Perez sa HealthServe Medical Center, ngunit tuluyan din itong namatay dahil napuruhan sa isang tama ng bala sa ulo.
Tinanggalan ng National Police Commission (Napolcom) ng kapangyarihan si Perez sa PNP-Los Baños dahil kasama ang kanyang pangalan sa drug list ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.
Kapansin-pansin na ang Los Baños Municipal Hall, kung saan pinagbabaril si Perez. ay ilang ‘hakbang’ lamang mula sa himpilan ng PNP.
Ilang segundo o isang minuto, matapos ang krimen ay walang lumabas kahit isang pulis mula sa istasyon ng PNP, samantalang ilang ulit bumaril ang suspek, batay sa CCTV footages sa lugar.
Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang nakukuhang “lead” ang mga imbestigador sa kaso.
Nagsimula na ring mag-imbestiga ang National Bureau of Investigation (NBI) ng Laguna dahil mukhang ‘nangangamote’ ang PNP-Laguna.
Ayon sa hepe ng NBI-Laguna na si Atty. Daniel Daganzo, apat na ahente niya ang kanyang inatasang mag-imbestiga nang hiwalay at malaya sa PNP.
Samantala, namatay si Portes habang nilalapatan ng lunas sa isang ospital sa Lungsod ng Taguig. Si Portes ay pinagbabaril noong Nobyembre 24.
Nakaupo ang 73-anyos na dating punong bayan sa harapan ng pag-aari nilang gusali sa Barangay Bucal, nang barilin ng suspek na nakasakay sa motorsiklo.
Batay sa imbestigasyon ng Pagbilao PNP, walang pulis kahit sa pinagbarilang lugar kay Portes.
Ngunit inihayag ni Col. Audie Madrideo, hepe ng PNP sa Quezon, mayroon nang mga testigo na nagsumite ng kanilang affidavit hinggil sa kaso ni Portes.
Sa ngayon, wala pang malinaw na “lead” kung sino ang nagpabira kay Portes at kung ano ang motibo sa pananambang.
Nag-alok ng P500,000 pabuya ang kasalukuyang alkalde ng Pagbilao na si Mayor Sherrie Ann Pagdilao-Palicpic sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa suspek sa pagpaslang sa kanyang ama. (NELSON S. BADILLA)
