Iimbestigahan ng Senado KAPALPAKAN NG TRB, TOLL OPERATORS

INIHAIN ni Senador Win Gatchalian ang isang resolusyon upang busisiin ang minimum performance standards compliance ng toll operators na nakapaloob sa concession agreements nila sa pamahalaan kasunod ng kapalpakan sa Radio Frequency Identification Device (RFID).

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na susuriin din ng Senado ang kapangyarihan at mandato ng Toll Regulatory Board (TRB), ang ahensiyang namamahala sa operasyon ng lahat ng toll roads sa bansa.

Sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 587 nitong nakaraang Lunes, sinabi ni Gatchalian na nararapat lamang na mabusisi ang mandato ng TRB lalo na’t binigyan ito ng kapangyarihang humawak at makialam sa lahat ng toll roads sa bisa ng Presidential Decree 1112 na siyang bumuo ng naturang ahensiya.

“Nararapat lamang na busisiin ang concession agreements ng tollway operators para malaman kung ginagawa ba nila ang kanilang mandato kaugnay ng kanilang kasunduan sa pamahalaan,” sinabi ng senador.

Nanawagan din ang vice chairman ng Senate Economic Affairs Committee ng toll holiday lalo na’t marami pa rin ang nagrereklamong mga motorista laban sa depektibong RFID sensors na siyang dahilan para magkabuhol-buhol ang daloy ng trapiko sa expressways.

Mismong NLEX na, ani Gatchalian, ang umamin ng technical glitches sa kanilang sistema, kabilang na ang hindi gumaganang RFID sensors sa mga sasakyan. Nangako rin ang pamunuan ng NLEX na hahanap sila ng solusyon para mailatag nang maayos ang cashless transaction sa mga toll at mapabuti ang lagay ng trapiko sa expressways sa mga susunod na araw.

Ang ipinatutupad na cashless transaction o contactless transaction sa tollways ay bahagi ng hakbang para makaiwas sa impeksiyon ng COVID-19. (ESTONG REYES)

134

Related posts

Leave a Comment