UMABOT sa 23 bisita sa ginanap na pagdiriwang ng binyagan ang dinampot ng mga operatiba ng Manila Police District sa loob ng Manila North Cemetery sa Sta. Cruz, Manila noong Sabado ng gabi.
Mula noong Sabado ng gabi hanggang kinabukasan, pinipigil pa rin ng mga awtoridad sa coveted court na sakop ng MPD Station 3, ang mga dinakip dahil sa paglabag sa COVID-19 protocol.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. John Guiagui, station Commander ng MPD- Station 3, pasado alas-9:00 ng gabi nang masorpresa ang masayang pagdiriwang ng binyagan sa tabi ng mga nitso sa nasabing sementeryo.
Bukod sa nag-iinuman, kantahan sa videoke, hindi rin sumunod ang mga inaresto sa physical distancing at walang suot na face mask at face shield.
Magugunitang inihayag ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mahigpit na pagbabawal sa mga pagtitipon dahil sa pananatili ng banta ng COVID-19.
Inihayag din ng Department of Health (DOH) ang pagbabawal sa videoke dahil maisasalin sa mikropono ang laway na posibleng maging dahilan ng pagkahawa sa coronavirus. (RENE CRISOSTOMO)
