TINATAYANG aabot sa P54 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa anti-narcotics operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National police at Philippine Drug Enforcement Agency sa Muntinlupa City.
Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General Wilkins Villanueva, walong kilo ng umano’y shabu ang nakumpiska sa dalawang hinihinalang major players ng isang drug distribution network.
Kinilala ng Philippine National Police ang dalawang hinihinalang bigtime drug dealer na sina Renzy Louise Javier Vizcarra at Red Lewy Javier Vizcarra.
Nabatid na naglatag ng buy-bust operation sa Barangay Tunasan noong Sabado ng hapon ang mga operatiba ng PNP, PDEA, Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines, at National Intelligence Coordinating Agency laban sa dalawang suspek.
Kasunod ng nasabing malaking accomplishment ng PNP at PDEA, ay inihayag ni PNP chief, Gen. Debold Sinas, “Our anti-illegal drugs campaign has resulted even more in this kind of accomplishment because of the cooperation between and among our law enforcement agencies which serves as a stern warning to drug dealers”.
Tinatayang walong kilo ng shabu ang nasamsam sa nasabing operasyon, bukod pa sa tatlong cellphone, isang Toyota Innova at boodle money na ginamit sa buy-bust operation.
Samantala, napigilan din noong Miyerkoles ng isang inter-agency body sa Ninoy Aquino International Airport ang tangkang paghatid ng shabu sa pamamagitan ng air parcel service. (JESSE KABEL)
