NITONG Disyembre 11, nailantad dito sa Badilla Ngayon ang pagiging mahinang pinuno ng Kamara de Representantes ni Speaker Lord Allan Velasco, o kung tawagin ngayon ay SLAV, dahil 29 ang kanyang “deputy speakers”.
Ginantimpalaan ni SLAV ng mataas na posisyon na may dagdag pondo kahit ang mga kongresistang nakadidismaya nang todo ang ginagawa sa Kamara tulad ng isang kongresista sa Mindanao.
Ngayong 29 ang deputy speaker ni Velasco, naipasa sa Bicameral Conference Committee (Bicam) ang P4.506 trilyong badyet para sa 2021 na ang P708.1 bilyong pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay napakaraming kuwestyon at pagdududa.
Pokaragat na ‘yan!
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, umabot mula P650 milyon hanggang P15 bilyon ang nakasingit na mga pondo para sa mga pang-imprastrakturang proyekto ng mga kongresista.
Ang masama rito, ipinakita at iginiit ng pangkat ni Velasco na sa panahong nananalasa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay napakahalagang matuloy ang mga proyekto ng mga kongresista kaysa magdebelop ng tinatawag na “herd immunity” upang mailigtas ang 60 milyong Filipino mula sa COVID-19.
“Pork barrel”, o “kickback”, ang iisipin ng ordinaryong Filipino sa P650 milyon hanggang P15 bilyon.
Hindi naman natin masisisi ang mga pangkaraniwang tao kung maglabas ng masamang ideya tungkol sa napakalaking badyet ng DPWH, sapagkat bistado sa ganyan ang mga kongresista.
Biruin n’yo P2.5 bilyon lang pala ang inilaan para sa kalusugan ng mga Filipino.
Ang pinalutang sa media na mahigit P72 bilyon ay hindi pa sigurado dahil hahagilapin pa ito kung saan kukuhain.
Pero, kung hindi naisingit sa badyet ng DPWH ang mga pondo sa mga proyekto umano ng mga kongresista, pihadong mayroong pagkukunan ang mahigit P72 bilyon.
Ratsada nga ni Lacson: “This only shows that for some, a pandemic – and the crippling effects it has on all sectors of society – should not get in the way of personal interests”.
Ibig bang ipunto ni Lacson ay higit na mahalaga sa tropa ni Speaker Velasco ang personal na interes kumpara sa kaligtasan ng milyun-milyong Fiipino mula sa nakakamatay na COVID-19?
Kung personal interes ang punto ni Lacson, ibig sabihin “kasakiman” ang nanaig sa P4.506 trilyong badyet.
Pokaragat na ‘yan!
Ang isa pang mahalaga ay ang National Broadband Program (NBP) ng pamahalaan.
Katunayan, sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga senador at kongresista ay pondohan ang NBP upang umunlad at umangat ang kalidad ng internet connection dito sa Pilipinas.
Ngunit, wala pa sa dalawang bilyon ang pondo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa 2021.
Sa P18 bilyong hininging badyet ng DICT, walang isang bilyon ang inilagay sa P4.506 trilyong badyet.
Pokaragat na ‘yan!
Ani Lacson, kung naibigay ang P18 bilyon sa DICT ay pihadong maipapatupad ang NBP kung saan tumataginting na P34 bilyon ang matitipid ng Pilipinas sa susunud na limang taon dahil hindi na magpapa-subscribe at magbabayad ang pamahalaan sa mga dambuhalang kumpanya ng telekomunikasyon.
Masamang senyales ang badyet para sa susunod na taon.
Ito’y dahil nangangahulugang maging ang badyet para sa 2022 ay pondo ng mga kongresista na nakasingit sa DPWH ang prayoridad ng liderato ni Speaker Velasco.
Sabi nga ng mga sumusubaybay sa Kamara, ganyan ang mangyayari kapag mahina ang speaker.
Ganyan ang resulta kapag nakukumbinsi ang speaker sa sulsol ng mga kakampi nito, lalo na kung mayroon itong 29 na deputy speakers tulad ngayon ni Speaker Velasco.
Ang 29 deputy speakers ay may kanya-kanyang bulong.
Iba pa ang sulsol ng mga chairman ng mga komite.
