BRGY. 169 SECRETARY AT TREASURER KASAMA SA SAP LIST?

KUNG totoo ngang kasama sa Social Amelioration Program (SAP) fund list ng Brgy. 169, Zone 15, Caloocan City ang kanilang secretary at treasurer ay hindi maganda ito.

Inalmahan daw ng mga residente ng nasabing barangay ang pagkakasama ng pangalan nina Secretary Melissa Fajardo-Ramos at Treasurer Kareen Ruiz-Atos sa listahan ng mga makatatanggap ng SAP mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nakita raw ng mga pumila sa Caloocan City Sports Complex noong Disyembre 14, 2020 sa listahan ng SAP ang pangalan ng dalawa?

Kung totoong kasama nga sa listahan ng SAP ang dalawang opisyal ng Brgy. 169 ay nagpapatunay lamang na may palakasan ang kanilang ginawang pangangalap ng mga pangalan na mabibigyan ng ayuda mula sa DSWD.

Kailangan magpaliwanag si Punong Barangay Divina ­Gatchalian sa usaping ito.

Magpaliwanag siya kung dapat ba siyang kasuhan o hindi bilang command responsibility niya na kasama ang secretary at treasurer ng kanilang barangay.

Bago pa man maaprubahan ang Bayanihan to Heal as One Act of 2020 (Republic Act No. 11469) ay pinaalalahanan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na prayoridad na mabibigyan ng ayuda mula sa DSWD ay mga ordinaryong tao.

Sinu-sino bang mga ­ordinaryong mamamayan na binabanggit? Sila yung mga walang trabaho, single parent, may kapansan at mga nakatatanda.

Ibig sabihin hindi kasama ang barangay opisyal na tulad nina Atos at Ramos.

Ang mga barangay opisyal naman kasi ay hindi nawalan ng trabaho kahit na nag-lock down.

Ang payo ng PUNA sa mga opisyal ng barangay minsan isipin din ninyo na mapalad tayong may mga trabaho.

Mas mabuti ang nagbibigay kesa binibigyan, kaya masuwerte tayong nakararaos ng pang araw-araw.

Kaya kung anumang ayuda mula sa gobyerno na para sa mga ordinaryong tao ay huwag na po tayong makipag-agawan pa sa kanila.

Balik po tayo sa SAP hanggang ngayon ay marami pang mga residente ng Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan City ang hindi pa nakatatanggap ng 2nd tranche ng SAP.

Kaya ang dami ng reklamo mula sa netizens, bakit hanggang ngayon wala raw silang balita sa kanilang SAP.

Samantala ang iba ay matagal na nakatanggap ng kanilang nakuha ang 2nd tranche ng SAP.

Duda tuloy nila may nangyayaring kurakutan sa SAP fund.

Awtomatikong dapat dalawang beses makatatanggap ng SAP fund ang mga ordinaryong mamamayan.

Kung dalawang beses matatanggap ang SAP ng mga ordinaryong tao dapat P16k ang kanilang makukuha.

Ang ayudang ito ay kailangang-kailangan ngayon ng tao dahil simula noong Marso 2020 nang pumutok ang COVID-19 sa bansa ay hindi naging normal ang pamumuhay ng mga Pinoy.
Kaakibat nito ang hirap na dulot sa mga ordinaryong mamamayan.

Marami ang hindi na rin normal ang kanilang pamumuhay apektado na rin ang kanilang panggastos pang araw-araw.

Kaya naman naglabas ng bilyun-bilyong piso ng pondo ang gobyerno para ibigay na ayuda sa mga hirap na mamamayan.

Layunin ni Pangulong Rodrigo Duterte na matulungan ang taumbayan habang may pandemic ng COVID-19 ang bansa.

Kaya nga lang talagang may mga pasaway na hindi sumusunod sa batas.

Hala sige antayin nyo lang ang parusa laban sa inyo, mga pasaway kayo!

Ingat tayo ngayong Pasko kasi tumataas naman ang kaso ng COVID-19.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

149

Related posts

Leave a Comment