KAHIT nagpalabas ang Malakanyang ng certificate for urgency sa panukalang pagbuo ng Department of Overseas Filipinos (DOFIL), sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na sa susunod na taon nila maipagpapatuloy ang pagtalakay dito.
“Pag-uusapan namin. January naman na ‘yan. Impossible today,” saad ni Sotto.
Kahapon (December 16) ang huling araw ng sesyon ng Kongreso bago ang kanilang Christmas break.
Matatandaang noong December 7, naudlot ang pagdinig sa panukala nang hilingin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ipagpaliban ito habang hindi pa naipapasa ang panukala para sa rightsizing sa gobyerno.
Nais ni Drilon na maisaayos muna ang mga departamento ng gobyerno bago bumuo ng mga bagong kagawaran.
Maging si Sotto ay pabor sa pagnanais ni Drilon na magkaroon muna ng rightsizing sa mga ahensya ng gobyerno. (DANG SAMSON-GARCIA)
