MATINDING LABAN SA 2021

ASAHAN nating lahat na napakaraming magaganap sa ating bansa sa 2021.

Tiyak, maraming magsusulputang pangyayari at ­senaryong gagawin ang mga opisyal ng pamahalaan, lalo na si Pangulong Rodrigo Duterte, at mga politiko.

Syempre, hindi pahuhuli ang mga politikong tatakbo sa halalang 2022, lalo na ang gustong pumalit kay Duterte.

Sa huling kwarter sa susunod na taon hanggang unang kwarter ng 2022 ay maghahain ng kani-kanilang certificate of candidacy (COC) ang napakaraming politiko.

Tulad ng mga nangyari sa mga nakalipas na taon, siguradong magpapapogi at magyayabang na sa publiko ang mga tatakbo sa pagkapangulo sa 2022.

Ang ‘bopol’ sa Senado at Kamara de Representantes ay magiging mga ‘bayani’ at ‘mataas na klase’ ng mga lingkod-bayan.

Pokaragat na ‘yan!

Kamakalawa lang, lumabas sa broadsheet ang pahayag ng isang senador na kumu­kuwestyon sa P4.506 trilyong badyet para sa 2021, ngunit noong ipinasa ito sa Senado ng Kamara upang talakayin, busisiin, kuwestyonin at tutulan kung anuman ang kaduda-duda sa naturang badyet ay hindi man nagsalita laban sa badyet.

Tapos, sabi pa niya na ang mahusay na pinuno ay hindi kailangang magaling mag-ingles dahil hindi ito ang batayan ng pagiging mahusay na pinuno.

Tama!

Pero, malalaman natin kung siya na hindi kahusayang mag-ingles ay totoo at magaling na presidente ng partido-politikal na kanyang kinabibilangan.

Malalaman din natin kung gaano kasipag maglabas ng press statement ang isang bagitong senador na nababalitaang interesadong maging pangulo ng Pilipinas mula 2022 hanggang 2028.

Malalaman din natin kung sino sa mga pambato ng Liberal Party (LP) sa pagkapangulo ang magiging aktibong magpakitang gilas sa mamamayang Filipino ng pagiging tradisyunal na politiko.

Habang nagwawasiwas at nagpapalundag ng kung anu-anong mga pahayag at eksena ang mga politiko sa 2021, asahan na magiging abala nang husto ang mga manggagawang walang trabaho na magkaroon ng trabaho, magreklamo at magprotesta ang mga manggagawang matatanggal sa kanilang kumpanya, mag-abang ang mga magsasaka at manggagawang-bukid at ­maging ang mga mangingisda sa mga pangako ng Department of Agriculture (DA).

Ang mga batayang masa na ‘yan ay pihadong patuloy na kikilos upang magkaroon ng laman ang sikmura ng kanilang mga pamilya.

Ang batayang masa na ‘yan ang pinaglilingkuran ng SAKSI Ngayon, partikular ng BADILLA Ngayon.

Kaya, asahan ang SAKSI Ngayon, kabilang ang BADILLA Ngayon, na aktibung-aktibo sa paglalabas ng mga isyung ­nakatuon sa interes at kagalingan ng mga manggagawa, magsasaka, manggagawang-bukid, ­mangingisda, guro at iba pang sektor sa ating bansa.

Babantayan namin ang mga opisyal at kawani ng iba’t ibang kagawaran at ahensiya ng pamahalaan.

Susubaybayan namin ang desisyon at aksyon ng mga politiko, lalo na iyong mga mayroong masamang balak sa pera ng pamahalaan at mamamayan.

Hindi rin namin titigilang ilantad at batikusin ang mga kawatan, balasubas, dorobo, ­manggagantso at inutil sa pamahalaan.

Talagang matindi ang inaasahang mga pangyayari at eksena sa lahat ng sulok ng bansa mula sa tuktok ng ulo ng Luzon hanggang sa talampakan ng Mindanao sa susunod na taon.

Kaya, matindi ang laban na kakaharapin ng SAKSI ­Ngayon, kasama na ang BADILLA ­Ngayon, sa 2021.

140

Related posts

Leave a Comment