HINDI pa man nailalayo ang ninakaw na cellular phone sa loob ng bahay, natimbog agad ang isang 22-anyos na binata nang makahingi ng saklolo sa nagpapatrulyang barangay tanod ang biktima nito sa Parola Compound, Tondo, Manila nitong Sabado ng madaling araw.
Nahaharap sa kasong robbery sa ilalim ng Art. 295 ng Revised Penal Code, ang suspek na kinilalang si Jerome Serrano, tambay, ng Gate 52 Parola Compound, Tondo.
Desidido namang magsampa ng kaso ang biktimang si Erwin Corran, 33, binata, ng Gate 58, Area H, Parola Compound, Tondo.
Base sa ulat na isinumite kay P/Lt. Evangeline Cayaban, station commander ng Manila Police District-Delpan Police Station 12, bandang alas-2:30 ng madaling araw, sa bisperas ng kapistahan ng Sto. Niño, nang mangyari ang insidente sa bahay ng biktima.
Salaysay ni Corran, habang siya ay natutulog nang makarinig siya ng ingay sa bintana at pagkaraan ay naaninag niya ang isang lalaki na hawak na ang kanyang cellphone na P7,000 ang halaga.
Bunsod nito, agad dumano siyang bumangon ngunit nakatunog ang suspek na mabilis na tumalon sa bintana at tumakas.
Humingi naman ng saklolo ang biktima sa nagpapatrulyang barangay tanod na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at nabawi ang kinulimbat na cellphone. (RENE CRISOSTOMO)
