SASAMPAHAN ng kasong korapsyon si Department of Public Works and Highways (DWH) – Pasig City District Engineer Roberto “Bobby” Nicolas sa Office of the Ombudsman dahil sa P4 milyong ‘padulas’ ng isang construction company upang matiyak na makuha ng huli ang P70 milyong halaga ng proyektong steel parking ng DPWH.
Ang apat na milyon, ayon kay Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica, ay paunang bayad sa P20 milyong padulas na napagkasunduan ng DPWH-Pasig City at ng kontraktor ng P70 milyong halaga ng proyekto.
Walang paliwanag si Belgica sa media hinggil sa detalye ng paunang bayad sa padulas na P4 milyon.
Wala rin siyang sinabi kung kailan, saan at iba pang detalye tungkol sa balanseng P16 milyon.
Ang binanggit lang ni Belgica ay ang mga pangalan na sangkot sa P4 milyong padulas ng isang tao sa kanila na isa umanong “asset” ng PACC.
Sila ay sina Tess Orquia, Engr. Melody Domiguez, Engr. Luisito Ponancio at Vilma Gomez.
Sina Orquia at Gomez daw ang mga taong nakita sa “video footages” na nag-abot ng P4 milyon sa kinatawan umano ng kontraktor.
Si Belgica ang naglabas sa media ng video footages na ipinakita na rin niya kina Pangulong Rodrigo Duterte at DPWH Secretary Mark Villar.
Dahil sa nakita sa video footages, tinanggal ni Villar si Nicolas, Orquia, Domiguez at Ponancio sa kani-kanilang puwesto.
Hindi sinibak ni Gomez dahil retirado na ito.
Si Gomez ay dating empleyado ng DPWH na nakatalaga sa tanggapan ni Nicolas.
Batay sa impormasyong inilabas sa media ilang araw na ang nakalipas, si Gomez ay “bagman”, o “kolektor”, umano ni Nicolas.
Pokaragat na ‘yan!
Mayroon pang bagman! Ano ang ibig sabihin nito Ginoong Belgica?
Isusunod na raw ni Villar ang paghahain ng mga kasong korapsyon, unethical conduct at bribery laban sa kanila sa Office of the Ombudsman.
Inihayag din ni Belgica na sasampahan sina Nicolas ng kasong korapsyon dahil sa P4 milyong padulas.
Sa pagkakaintindi ko sa kaso nina Engr. Nicolas, video footages ang batayan laban sa kanila.
At ang posibleng testigo ay ang sinasabing PACC asset.
Inamin ni Belgica na wala si Engr. Nicolas nang maganap ang abutan ng P4 milyon.
Pokaragat na ‘yan!
Naloko na.
Ngunit, sa opisina ni Engr. Nicolas naganap ang abutan ng apat na milyon, diin ni Belgica.
Kaya, ang ‘tanging’ batayan laban kay Engr. Nicolas ay sa opisina niya naganap ang krimen.
Panalo rito sina Belgica at Villar dahil maraming makapagsasabi sa Office of the Ombudsman na opisina nga ni Nicolas ang tutukuying opisina niya sa DPWH.
Pero, ibang usapan ang sinabing sa opisina ni Nicolas naganap ang krimen.
Palagay ko, PACC asset lang ang testigo nina Belgica at Villar.
Ayon kay Belgica, marami nang natanggap na reklamo ang PACC laban kay Engr. Nicolas.
Ang problema ng PACC ay wala itong makuhang ebidensiya laban kay Nicolas.
Ibig sabihin, ang mga nagreklamo sa PACC ay panay salita, salita at salita ang ipinarating sa tanggapang ipinagkatiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kina Belgica at Atty. Dante Jimenez.
Nagkaroon ng ebidensya si Belgica at ito nga ang video footages, ngunit wala si Engr. Nicolas sa kanyang tanggapan nang maganap ang pag-abot ng P4 milyon ng isang tao at sa iba pa.
Sa tono ng mga naging pahayag ni Belgica sa media, nakahuli ng ‘malaking isda’ ang PACC sa DPWH.
Ngunit, ang inakusahang pangunahing korap sa DPWH-Pasig City ay wala sa kanyang tanggapan nang maganap ang krimen.
Kaya, ano ang mangyayari sa kaso laban kina Nicolas, Orquia, Dominguez, Ponancio at Gomez?
Syempre, upang manalo ang kaso laban sa kanila ay kailangan ng sapat, matibay at malakas na ebidensiya laban sa kanila.
Tinalakay ko ang usaping ito tungkol sa ebidensiya laban kina Engr. Nicolas dahil sa bansang ito ay napapawalang-sala ang mga akusadong tiwali, korap at mandarambong.
Batay sa kasaysayan sa daigdig ng korapsyon sa Pilipinas, napapatunayan ng Sandiganbayan na hindi tiwali, hindi korap at lalong hindi mandarambong ang mga opisyal ng pamahalaan at mga politiko kahit na napakaraming ebidensiya at testigo laban sa kanila dahil ang kanilang mga abogado ay dalubhasa sa pagkuwestyon ng mga teknikal na aspeto sa kanilang kasong kriminal.
