4M INAASAHANG BAGONG BOTANTE

POSIBLENG abutin pa ng halos apat na milyon ang mga bagong botanteng magpaparehistro para makaboto sa halalang 2022, ayon sa tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec).

Ani James Jimenez, inaasahan ng Comelec ang nasabing bilang bukod pa sa isang milyon na nagparehistro sa iba’t ibang sangay ng Comelec na mga bagong botante mula noong huling kwarter ng 2020 hanggang nakalipas na linggo.

Aniya, inaasahan din ng Comelec na mabagal ang rehistrasyon ng mga botante na aabot sa Setyembre ang huling buwan dahil nananatili ang matinding problema ng bansa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Upang makaiwas sa pagsisiksikan ang mga magpaparehistro, plano ng Comelec na maglagay ng “satellite registration centers” sa iba’t ibang panig ng bansa sa Pebrero, wika ni Jimenez.

Batay sa iskedyul, sa Mayo 2022 magaganap ang pambansa at panglokal na halalan, kabilang na ang posisyon ng pangulo at pangalawang pangulo ng bansa.

Karamihan sa mga kakandidato sa pagkapangulo ay panay kakampi ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Bise Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo lamang ang posibleng kandidato ng Liberal Party (LP), ang kasalukuyang oposisyong partido politikal.

Sa Disyembre 2022 naman ilulunsad ang eleksyong pambarangay at Sangguniang Kabataan (SK). (NELSON S. BADILLA)

200

Related posts

Leave a Comment