TINULIGSA ng Dangerous Drugs Board ang inilabas na report ng International Criminal Court (ICC) na umano’y pagbabalewala sa pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas sa kampanya laban sa illegal drugs.
Ayon sa DDB, bukas ito ano mang oras para iharap ang Philippine government plan of action upang maresolba ang problema sa national drug abuse situation.
Pinamamahalaan ng Philippine Anti-Illegal Drugs Strategy o PADS, ang lahat ng ahensiya ng gobyerno para sa direktang mplementasyon ng mga inisyatiba upang maputol ang supply and demand sa droga.
Isang whole-of-nation approach ang isinagawa para magkaisa, mabalanse at mapalakas ang pagpapatupad ng law enforcement at public health strategies.
Ang programa ay pinagtibay sa ‘evidence-based approaches and culturally-relevant models,’ ayon sa itinatadhana ng batas, iginagalang ang human rights at sinusuportahan ang international obligations.
Ang tagumpay ng nasabing programa ay naramdaman umano kamakailan base sa household survey sa anyo at usong drug abuse na nangyayari sa bansa, ayon sa 68 porsiyentong kamalayan nila hinggil sa kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.
Katunayan anila, nakapagtala pa ng 81.6 porsiyentong pamilyang Pinoy na nag-aapruba sa nasabing kampanya laban sa illegal drugs.
Malaking bilang ng respondents ang naniniwala na ang kasalukuyang drug situation sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ay medyo napabuti (34.7%) hanggang sa lubos na napabuti (45.5%). (JOEL O. AMONGO)
