MAGPAPASYA ang bagong liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso kung ibabasura ang unang desisyon ng House committee on legislative franchises na huwag bigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN o hindi sa susunod na linggo.
Sa session ng Kamara kahapon, tumayo si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor para igiit na tapusin muna ang lahat ng mga unfinished business ng Kapulungan bago isalang ang mga bagong order of business.
Kabilang na sa mga unfinished business ng Kamara ang desisyon ng nasabing komite na nagbabasura sa panibagong prangkisa ng ABS-CBN na hindi pa isinalang sa botohan sa plenaryo.
“We either affirm the committee report and do away with that unfinished business before we continue with the other business of the day that we are considering in the plenary,” ani Defensor.
Mistulang hindi handa rito si Deputy Speaker Isidro Ungab na siyang presiding speaker kahapon pero ni-reject nito ang nais ni Defensor subalit iginiit ng mambabatas na kailangang isalang na ito sa plenaryo.
Napilitan si Ungab na suspindehin ang sesyon at sa pamamagitan ni Senior Deputy Majority Leader Crispin Remulla ay nagkaroon ng kompromiso na sa susunod na linggo na lamang na isalang sa plenaryo ang committee report ng nasabing komite na nagbasura sa franchise application ng ABS-CBN sa botong 70-11.
Ang pasya ng nasabing komite ay kasunod ng mga natuklasang paglabag ng nasabing network, hindi lamang sa kanilang prangkisa kundi sa Saligang Batas tulad sa usapin ng labor violations, foreign ownership, pag-iwas sa pagbabayad ng tamang buwis at marami pang iba.
Base sa House Rules, lahat ng committee report ay maaring pagtibayin o baliktarin sa pamamagitan ng majority vote sa plenaryo kaya malalaman sa susunod na linggo kung ano ang posisyon ng liderato ni Speaker Lord Allan Velasco sa nasabing usapin. (BERNARD TAGUINOD)
260