MARAMING meat vendors sa mga palengke sa ibat-ibang lugar sa Metro Manila ang nagsabi na magsasara sila o hindi na lang sila magtitinda kung ipagpipilitan ng gobyerno ang kanilang price ceiling sa mga karneng baboy at manok.
Kamakailan sa meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang gabinete ay inapruban niya ang Executive Order No. 124 na may kaugnayan sa mataas na presyo ng mga karne.
Pinagbasehan ng gobyerno ng kanilang price ceiling ay ang presyo ng karneng baboy at manok bago pa sumapit ang Pasko 2020.
Ito ay naglalaro mula sa P270/kg para sa pigue at kasim hanggang P300/kg para sa liempo.
Samantala ang price cap ng dressed chicken ay nasa P160/kg.
Pagsapit ng Pasko 2020 ay mataas na ang presyo ng mga karne at pagsapit ng Enero hanggang ngayong Pebrero ay lalo pang tumaas ang mga presyo ng mga ito.
Sabi ng meat vendors kung ang kanilang bili ng manok ay P190/kg, paano nilang maibebenta sa P160kg ang kanilang mga manok? Lugi pa raw sila ng P30 kada kilo.
Ganun din sa baboy kung ang kuha nila ay P370/kg, tapos ang price ceiling ng gobyerno ay P270kg hanggang P300kg, luging-lugi sila.
Ang price ceiling ng gobyerno sa baboy ay mas mataas pa sa kanilang kuha mula sa hog raisers, paano nga naman sila tutubo?
Sa kasalukuyan ang presyo ng baboy sa mga pamilihan ay naglalaro ng P400kg.
Kaya nga sabi nila kung ipagpipilitan ng gobyerno ang kanilang price ceiling ay maraming manininda sa mga palengke ang magsisipagsara dahil malulugi sila.
Sayang lang ang pagod nila kung magtitinda sila na wala naman silang tutubuin, yan ang sabi ng meat vendors.
Ayon pa sa kanila wala raw sa kanila ang problema kaya mataas ang presyo ng manok at baboy nasa farm gate raw o yung mga nag-aalaga.
Bago nakararating sa kanila ang mga karne ay maraming proseso ang kanilang ginagawa na ginagamitan ng pera.
Natural kung mataas ang kuha nila mataas din ang bigay o benta nila sa kanilang mga kustomer.
Itinuturo namang dahilan ng Department of Agriculture (DA) kaya nagtaas ang presyo ng mga karneng baboy at manok ay dahil sa kakulangan ng supply nito matapos na maapektuhan ng African
Swine Fever (ASF) at ang mga malalakas na bagyong nagdaan sa bansa.
Ang problema pati ang presyo ng mga gulay at mga pansahog ng ulam sobrang ay ang taas din ang presyo.
Kawawang mga nanay hirap na mag-budget para sa pagkain ng kanilang pamilya.
Kaya pati tuloy may mga kainan ay umaangal na rin, marami na rin sa kanila ang tumigil muna sa pagtitinda ng ulam.
Iniinda nila ang sobrang taas ng presyo ng mga karne at mga pansahog nito.
Paano na si Juan dela Cruz? Wala nang pera dahil nawalan ng trabaho sa pandemic ng COVID-19 mataas pa ang presyo ng mga bilihin.
Siyembre kaakibat ng gutom ay nakawan ang mangyayari niyan, kakapit kasi sa patalim ang mamamayan.
Kailangan maresolba ito agad ng pamahalaan lalo na ng Department of Agriclture na maibaba ang presyo ng mga pangunahing pagkain ng taumbayan.
Mahal na ang ulam, pansahog, bagamat hindi naman nagbago ang presyo ng bigas ay hirap ang kalagayan ng mga Pinoy ngayon dahil sa nararansang pandemic.
Sinasabi ng gobyerno na huhulihin daw nila ang nandaraya ng presyo ng mga bilihin at nagtatago ng mga pagkain na naging dahilan ng pagtaas presyo nito.
Kayo na mismo ang nagsabi na ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga karne ay ang ASF at mga bagyong nagdaan.
Ibig sabihin walang nagtatago ng mga karne na dahilan ng artificial na pagtaas ng presyo, sino ngayon ang huhulihin nyo? Baka naman nasa Department of Agriculture ang problema?
Kaya nga raw mataas ang kanilang benta sa kanilang mga kustomer dahil mataas din ang kanilang kuha.
Araw-araw ay kaliwat kanang mga proyekto ang binabanggit sa kanilang press release ng Department of Agriculture tapos ngayon hindi nila mapigil ang sobrang taas ng presyo ng agricultural products.
Bilyong pisong proyekto o ayuda ang kanilang binabanggit sa mga magsasaka simula nang umupo si Agriculture Sec. Willaim Dar, pero bakit ganito ang nangyayari?
Nalalagay ngayon sa krisis sa pagkain ang bansa, ngayon pa man ding panahon ng pandemic.
Anyare sa DA? May something ba?
Napupunta nga ba sa mga magsasaka ang inilalabas na bilyong pisong pondo ng DA?
Baka naman totoo ang sinasabi ng mga nagraraling mga magsasaka na hindi sila nakatatanggap ng ayuda mula sa DA.
Nangangamoy korapsyon naman ba ito tulad ng fertilizers scam ilang taon na ang nakalipas? Sana nga hindi.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.
