DATI, noong maganda ganda pa ang ekonomiya ng Pilipinas, hindi pa masyadong baon sa utang ang bansa, kapag tumataas ang presyo ng tinapay lalo na ang pandesal ay natataranta na ang mga nasa gobyerno.
Bakit? Ang tinapay ang pinakamurang almusal ng Pinoy dahil isawsaw mo lang sa mainit na kape ayos na buto-buto. Nakatawid ka na sa isang kainan, nakatipid ka ng husto.
Agad nareresolba ang problema sa tinapay kapag tumaas ang presyo. Kung baga hindi nagtatagal kahit ang mga materyales partikular na ang harina ay inaangkat sa ibang bansa.
Pero itong pagtaas ng presyo ng pagkain lalo na ang karne at gulay na mas mahalaga kesa sa pandesal at kailangan ng lahat ng uri ng tao, mukhang hindi ramdam ng mga tao na natatatranta ang gobyerno bagkus ay nangangatuwiran pa sila.
Lagi nilang sinasabi sa atin na, “ngayon lang naramdaman kasi ang epekto ng mga nagdaang bagyo na sumira sa pananim ng mga magsasaka kaya nagkulang ng supply.” Bakit hindi pinaghandaan?
Sa usapin naman ng karne ng baboy na nagpapahighblood sa mga tao sa pagbili pa lamang at hindi pa kinakain ang katuwiran ng gobyerno ay dahil kulang din ang supply sanhi ng Asian Swine Fever (ASF) na pumepeste sa hog raisers.
Matagal na ang problema sa ASF, 2018 pa lang nandyan na ang problema at lumala yan noong 2019 pero may ginawa pa ang gobyerno para mapigilan ang ASF na nagpalugmok sa mga maliliit o yung mga tinatawag nating backyard hog raiser? Mukhang wala.
Alam pala nila na balang araw ay makakaapekto sa supply ng karne ang ASF, bakit wala silang ginawa para maabatan ito eh mahigit tatlong taon na ang problemang ito ng mga magbababoy? May natutulog sa kanilang trabaho.
Meron daw bilyong-bilyong pondo na ginamit para ayudahan ang mga naapektuhan ng ASF? Sino ang mga tinulungan o binigyan ng ayuda mula sa pondong ito? Nabayaran ba ang mga backyard raisers sa alaga nilang baboy na sapilitang pinatay ng gobyerno, Ginamit ba talaga? Kailangan sigurong i-audit yan.
Ang laging solusyon ng gobyerno kapag nagkakaroon ng kakulangan ng supply ay mag-angkat tayo sa ibang bansa. Puro short term ang solusyon. walang long term solution kaya ang nakikinabang ay ang mga magsasaka sa ibang bansa.
Kailan ba yung nagkaroon ng shortage sa galunggong? Umangkat ang DA ng tone-toneladang galunggong sa China. Sino ang nakinabang? Siyempre ang mga mangingisda sa China. Baka nga galing sa atin ang mga isdang yan at ibinalik sa atin na may bayad na.
Tinagurian tayong agricultural country at tayo ang isa sa mga may pinakamahabang coastline sa mundo pero nagkukulang tayo sa supply ng pagkain at isda. Bakit? Dahil may mga opisyales ng pamahalaan na parang wala talagang alam sa pagsasaka pero nandyan sa DA.
Kung puro importation ang pag-asa ng gobyerno para hindi kapusin ng pagkain ang mga tao, wala talagang mangyayari sa ating bansa at ang yayaman lang sa atin ay ang mga magsasaka mula sa bansang pinagkukunan natin ng supply.
Lalo ring yayaman ang mga importers dahil nabibili nila ng mura ang karneng inaangkat nila at pagdating sa merkado, doble na ang presyo.
Mas gusto ng mga nasa industriya ng baboy ang umangkat na ang dahil mura na ang gastos mas malaki pa ang kita kumpara sa pag-aalaga na inaabot ng hanggang apat na buwan at mahal pa ang mga feeds.
Parang bigas lang na binibili ng mga rice importers sa ibang bansa sa murang halaga at pagdating sa Pilipinas ay napakamahal na kumpara sa pagtatamin na napakalaki ang gastos.
Kung hindi magbabago ang DA sa kanilang polisya, darating ang araw na talagang ibebenta na lang ng mga Filipino ang kanilang lupa sa mga dayuhan dahil hindi naman talaga sila sinusuportahan ng gobyerno eh.
