PANGUNGUNAHAN ni Senador Grace Poe ang virtual hearing sa implementasyon ng Private Motor Vehicle Inspection Centers at child car seat law sa gitna ng dumadaming reklamo ng motorista.
Sa pahayag, sinabi ni Poe na itinakda ang pagdinig sa Pebrero 9 dakong alas-10 ng umaga na pangungunahan ng public services committee kasama ang komite ng women, children, family relations and gender equality.
Naunang inihain ni Poe ang Senate Resolution No. 634 upang paimbestigahan ang Department Order 2018-019 na ipinalabas ng Department of Transportation, Memorandum Circular No. 2018-2158 at Land Transportation Office at iba pang katulad na kautusan.
Tatalakayin din ng lupon ang Senate Resolution No. 633 na inihain nina Senador Sonny Angara, Juan Miguel Zubiri, Joel Villanueva, Win Gatchalian, Nancy Binay at Poe, na humihiling na ipagpaliban ang implementasyon ng Child Safety in Motor Vehicles Act.
Samantala, nakaamoy umano ng anomalya si House Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa PMVIC na ipinalit sa emission centers para matiyak ang road worthiness umano ng mga pribadong sasakyan, kaya naghain ito ng resolusyon para imbestigahan din ang nasabing polisiya.
“There are already numerous reports of inconsistencies and anomalies regarding these private inspection centers,” ani Rodriquez patungkol sa ilan sa 138 motor vehicle inspection facilities na binigyan ng LTO ng accreditation.
Inihalimbawa ng mambabatas ang kaso ng isang negosyante sa Pampanga na idineklara ng PMVIC na mahina ang break ng kanyang well-maintained na BMW Z4 matapos itong inspeksyunin kung saan nagbayad ito ng P1,800 kaya dinala niya sa casa ang kanyang sasakyan subalit wala naman umanong diperensya at nang ibalik nya ito para sa muling inspeksyon ay pinagbayad siya ng panibagong P800.
Sa La Union naman aniya ay sinuspinde ng San Fernando City Council ang isang PMVIC dahil din sa mga reklamo laban dito.
KAMARA
DINEDMA
Kaugnay nito, dinedma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso hinggil sa Motor Vehicle Inspection System (MVIS) project na dagdag pahirap sa mamamayan.
Ayon kay House transportation committee chairman Rep. Edgar Mary Sarmiento, sumulat ito kay Tugade noong September 16, 2020, para ipagpaliban ang MVIS project subalit binalewala ng kalihim.
Sinabi ni Sarmiento na kailangan munang inspeksyunin ng Kongreso ang Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) bago ipatupad ang nasabing proyekto pero nagtengang kawali si Tugade.
Maliban dito, nais umano ng komite ni Sarmiento na huwag munang ipatupad ang proyektong ito dahil nasa gitna pa ng pandemya ang bansa at dagdag na pahirap lamang umano ito sa mga pribadong motorista pero hindi rin pinakinggan ng DOTr at maging ng Land Transportation Office (LTO).
Dahil dito, ipinatawag ng Kamara si Tugade at LTO Chief Edgar Galvante sa isasagawang imbestigasyon ng komite sa nasabing proyekto.
Base sa MVIS, lahat ng pribadong sasakyan ay kailangang dumaan muna sa PMVIC para mainspeksyon kung maayos pa ba ito o hindi na bago irehistro muli ng LTO.
Gayunman, kailangang magbayad ang mga pribadong motorista ng P1,800 sa inspection para sa mga kotse pa lamang at kung sablay sa isang pagsusuri ay muling magbabayad ang mga ito ng P800 para sa panibagong pagsusuri. (ESTONG REYES/BERNARD TAGUINOD)
