MULI na namang nabiktima ang ating mga kababayan mula sa Mindanao ng tinatawag na investment scam.
Pinapangakuan sila ng malaking porsyento o kita mula sa perang kanilang ilalagak sa mga tao na nasa likod ng mga scam.
Kanya-kanyang style ang mga nasa likod ng scam para makakumbinsi sila ng maraming tao na magbibigay ng pera sa kanila.
Tinataya na aabot daw ng walong bilyong piso (P8-B) ang natangay ng sindikato mula sa mga kababayan nating taga-Mindanao.
Noong nakaraang Pebrero 4, 2021, Huwebes nahuli ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek na nakilalang si Dexter Auditor sa San Pablo City.
Sinabi ng NBI Laguna District Office na si Atty. Danilo Daganzo, nakakulimbat ang suspek ng halos 500 milyong piso mula sa kanyang mga biktima.
Pinangakuan daw ng 400% kita sa Tagum Rigen Marketing and Wellness Products na nagmula pa sa Tagum City, General Santos City, Davao del Sur at Davao Occidental ang kanyang mga biktima.
Nauna nang nahuli noong nakaraang taon (2020) ang pinuno nila sa Tagum City na si Rico John Garcia.
Sinampahan siya ng kasong syndicated estafa makaraang makatangay ng dalawang bilyong piso (P2-B) mula sa mga biktima.
Ganun sila kadaling kumita ng pera. Kung legal nila gagawin yan baka wala na sila sa mundo ay hindi nila kikitain ang bilyong piso. Pero sa ilegal paraan ay nakakalap sila agad ng dalawang bilyong piso.
Ang Mindanao ay isa sa mga pinakamahirap na lugar sa bansa, natatangayan pa ng bilyun-bilyong piso ng sindikato.
Sa Mindanao rin dating pumuto ang investment scam ng Kapa-Community Ministry International, Inc na pinamumunuan ni Pastor Joel Apolinario.
Na-PUNA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng KAPA na isa itong investment scam kaya ipinatigil niya ito.
Kaya naman tinugis si Apolinario ng mga awtoridad hanggang sa matiklo ito.
Bago nahuli si Apolinario ay nagkamal muna siya ng bilyun-bilyong piso kasama ng kanyang Reyna.
Nagbuhay Reyna si Reyna na asawa ni Tukayo dahil ginawa nilang kusina ng kanilang bahay ang ibang bansa.
Mayat-maya ay nagliliwaliw ang mag-asawang Apolinario sa ibang bansa gamit ang pera ng lahi ni Juan Dela Cruz na umaasa na lalago ang kanilang perang ipinagkatiwala sa dalawa.
Na hindi alam ng mga tao na nagoyo na sila mag-asawa at hindi na maibabalik ang kanilang mga pera.
Samu’t saring diskarte ang ginagawa ng mga nasa likod ng ganitong modus at marami sa kanila may mga produkto pang ibinebenta para masabing legal ang kanilang negosyo.
May tinatawag pa silang pyaramiding, binary at kung anu-ano pa na kung saan ang bawat miyembro na sasali ay magbabayad ng malaking halaga.
Ang ilan kung magkanong halaga ang ibinigay ng sasali ay tutumbasan ito ng kanilang produkto at kapag nabenta ito ay tutubo raw ng malaking halaga.
Kadalasan naman ang mga produktong ibinibigay ng mga nasa likod ng modus ay hindi rehistrado sa Food and Drugs Adminstration (FDA).
At hindi lang yan ang pinakamalaking halagang pinagkukunan ng pera ang pag-recruit nila ng kanilang miyembro.
Ang ganitong kalakaran ay paulit-ulit na lang nangyayari na hanggang ngayon ay hindi pa rin natutuldukan.
Panahon na siguro na gumawa ng batas na magpapataw ng pinakamabigat na parusa laban sa mga gumagawa ng investment scam na ito.
Kung hindi ito masosolusyunan ng gobyerno ay lalo lamang malulubog sa kahirapan ang ating mga kababayan sa mga kanayunan na nabibiktima ng mga walang pusong scammer na ito.
Lalo na ngayon na nasa panahon tayo ng internet na madaling nakakausap ang ating mga kababayan kahit na gamit lamang ang gadgets.
Lalong naging madali sa mga sindikato na makakumbinsi ng kakagat sa kanilang panggogoyo.
Kaya dapat maging aktibo rin ang PNP Cybercrime Unit para mamonitor ang galaw ng mga scammer na ito gamit ang internet.
Madaling kumita ng pera ngayon gamit ang internet, pwede sa mabuting paraan at masama.
Ika nga nila laway lamang ang puhunan kikita na sila thru internet.
May panawagan lang ang PUNA sa ating mga kababayan kailangan maging mapanuri tayo.
‘Wag po tayong maghahangad ng malaking tubo ng ating pera, baka mabitag tayo ng mga sindikato na laging nakaabang kung sino ang kanilang bibiktimahin.
Magaling sila magpaliwanag baka tayo’y makumbinsi.
Pinag-aralan nila kung papaano nilang mapapasagot na sumama sa kanila ang kanilang biktima.
Kailangan magtanong tayo sa may alam, para hindi tayo mabiktima.
Para bandang huli ay hindi tayo magsisi, basta tayo ay sipag at tiyaga, samahan ng dasal dadating din ang panahon aahon tayo.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.
