IKINALUNGKOT ng Malakanyang ang pagpanaw ni dating congressman at Olongapo Mayor James “Bong” Gordon Jr. noong Pebrero 9 dahil sa cardiac arrest.
“As we honor the life of former Mayor Bong Gordon, we express our sincerest condolences to his family, relatives, friends, and loved ones. May his soul rest in happiness and peace,” ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador S. Panelo.
Nagsimula ang political career ni Gordon bilang Subic Bay volunteer at Olongapo City councilor.
Ang pagiging masigasig at lakas ng loob ni Gordon ang naging pasaporte nito para maging isang kongresista sa First District of Zambales mula 1995 hanggang 2004 at alkalde ng Olongapo City mula 2004 hanggang 2013.
Naging matapang din itong volunteer noong panahon ng Pinatubo eruption.
“The passing of a kind and dedicated public servant, who had established standards of excellence in — and devotion to — public service is a great loss to the province of Zambales,” ayon kay Panelo.
Inanunsyo ang pagpanaw ni Gordon Jr., ng kapatid na si Sen. Richard Gordon nitong Martes.
Nagpaabot ng pakikiramay ang mga kapwa senador sa pamilya Gordon, kabilang sina Senate President Vicente Sotto III at Sen. Juan Miguel Zubiri.
Giit ni Zubiri, mabuting kaibigan si Bong para sa maraming mambabatas na kaniyang nakasabay sa pagiging kongresista.
Wala nang ibinigay na detalye si Sen. Gordon sa pagkamatay ng kapatid at nagpasalamat sa mga kapwa senador na nakiramay sa kaniyang pamilya. (CHRISTIAN DALE)
