Para may makulong na protektor, financier MAHUHULIHAN NG DROGA ‘GUILTY’ AGAD

UMAASA ang isang mambabatas sa Kamara na may mapapanagot nang drug lord, protektor o malalaking tao sa likod ng operasyon ng ilegal na droga ngayong pasado na ang batas na magpapalakas sa kampanya laban dito at ituturing agad ‘guilty’ ang mga mahuhulihan ng droga.

“Your days are numbered,” banta pa ni House committee on dangerous drugs chairman Robert Ace Barbers sa mga sangkot sa ilegal na droga matapos maipasa ang House Bill (HB) 7814 na naglalayong palakasin ang kampanya at tumbukin na ang mga drug lord kasama na ang mga protektor ng mga ito sa bansa.

Sa botong 118 pabor, 11 ang kumontra ay pinagtibay ang nasabing panukala para amyendahan ang Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002″ para lalo pang mapalakas ang kampanya laban sa ilegal na droga.

Kabilang sa amendments ay nagsasaad na “presumed guilty” ang taong mahuhuli sa ilegal na droga kasama na ang mga protektor ng mga ito at may-ari ng gusali na kanilang ginagamit bilang laboratoryo at imbakan ng ilegal na produkto.

Agad namang pinawi ni Barbers ang pangamba ng ilan na lalabagin nito ang Saligang Batas dahil kahit hindi pa nalilitis ay ituturing nang guilty ang mga suspek. Bago aniya nabuo ang panukala ay kinuha ang opinyon ng legal luminaries sa bansa.

“At the end of the day, it is still the judge’s call to evaluate whether or not the prosecution has proved the charge beyond reasonable doubt in the light of all the admitted evidence on record of the case,” ani Barbers.

Kailangan aniyang gawin ito dahil sa haba ng panahon ng kampanya laban sa ilegal na droga ay wala pang drug lords at protektor ng mga ito ang nahuhuli ng law enforcers lalo na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

“The data provided to us by the PDEA was only from the period 2013 to 2021. But in reality, since RA 9165 was passed or enacted into law in 2002, wala pa tayong naitala na naaresto, nakasuhan at na-convict ni isa mang drug protector/coddler o financier,” ayon sa mambabatas.

Hindi aniya dapat katakutan ang nasabing panukala dahil ang tutumbukin nito ay ang malalaking drug lords kasama na ang mga dayuhan at mga kasabwat at protektor ng mga ito sa bansa.

Bukod dito, kailangang pagsuutin na aniya ng body camera ang mga law enforcer sa kanilang mga anti-drug operation dahil mas marami ang naaabsuwelto sa mga hinuli kaysa sa mga nakulong dahil sa usapin ng ebidensya.

Base aniya sa PDEA report, mula noong 2013 hanggang 2020 ay nakapagsampa ng 6,704 kaso ang mga ito na kinasasangkutan ng 13,708 katao subalit 5,860 dito ay dinismis ng korte kaya nakalaya ang 12,440 na kinasuhan.

“Magkaiba yung dismissal sa acquittal. Yung dismissal, sa level pa lang yun ng law enforcers at prosecutors. Yung acquittal, husgado na ang nagbasura ng kaso,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

305

Related posts

Leave a Comment