(Ikalawang bahagi)
PAANO nga ba matutugunan ang hamon ng araw ng pag-ibig na hindi kinakailangang magpaalipin sa mga komersiyalisadong ekspektasyong pinalalaganap ng kasalukuyang kultura? Paano ba maipapakita ang pag-ibig sa minamahal na hindi kailangang magpadala sa pressure na gumastos kung hindi talaga pasok sa budget? Paano ba natin mararanasan ang kahulugan ng pag-ibig anuman ang kalagayan o estado, saan man tayo ngayon? Dahil kung paniniwalaan lang natin ang namamayagpag na pananaw ngayon, marahil mapapaisip tayo na ang selebrasyon nito ay para lamang sa mga mayroong pera. Kung kapos ka, wala kang karapatang umibig at magdiwang ng araw na ito.
Magagawa ito kung magkakaroon ng panibagong pagtanaw o pagbabalik-tanaw sa mas malalim na kahulugan nito na medyo nakalimutan na yata natin. May pangangailangang lumagpas sa nakasisilaw na materya-listikong depinisyon nito. Bagamat hindi ko dinidiskuwento ang halaga ng materyal bilang isang paraan ng ekspresyon nito. Mahirap nga namang paniwalaan ang salitang pag-ibig na sinasabi ng partner mo kung wala naman siyang pagsisikap na mabigyan ka ng disenteng pagkain tatlong beses man lang sa isang araw.
Gayunnman, kung gusto kong puntuhin ay kung ano nga ba ang esensiya ng bawat aksiyong pinapakita natin sa minamahal na hindi lang nag-uumpisa at natatapos sa nag-iisang Araw ng mga Puso. Oo, napakaabstrakto ng pag-ibig. Naghahanap ito ng konkretong manipestasyon. Sa Banal na Aklat man, o kahit sa mga secular na sulatin, may mga pamantayang sumusukat sa lalim o katotohanan ng isang pag-ibig.
Lumalabas na hindi kailangan ng maraming pera, o hindi kinakailangang sa Araw ng mga Puso lang, para maiparamdam sa taong itinatangi na katangi-tangi nga siya. Napakapayak man ang regalo, pero pinagbuhusan mo ito ng pagmamahal, atensiyon, at busilak na intensiyon, mas kapuri-puri ito kaysa diyamante. Mamahalin nga ang regalo o pinakamagagandang rosas na galing pa sa ibang bansa, pero wala namang respeto sa binibigyan mo dahil isa lang pala siya sa nakatanggap ng mga iyan sa mismong Araw ng mga Puso, walang saysay!
Sa huli, matutugunan ang hamon ng pag-ibig o ng araw nito sa mas makabuluhang paraan kung alalahanin natin ang marahil ay nalimutan na nating paalala tungkol dito. Sa partner, magulang, kapatid, o kapwa manmadali ang pagpapakita ng pag-ibig kung maisasapraktika natin ang isa sa pinakamagandang depinisyon nito galing sa Corinthians 13:4-7: “Ang pag-ibig ay mapagpahinuhod, magandang-loobhindi nananaghili; hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo hindi nag-uugaling mahalay hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama, hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan. Lahat ay binabata pinapaniwalaan, inaasahan, tinitiis ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman. Kung isasapuso natin ito, madali na lang magbigay ng respeto, pasensiya, at katapatan sa minamahal at maiiwasan ang pagtataksil, pag-aabuso sa loob ng relasyon, at iba pang mga sitwasyong nagpapabuway sa mga samahang napakaromantiko ang oryentasyon. Kung matutugunan kahit bahagi man ng paalalang ito, masasabi nating sa lupa man, may langit din. Isang makabuluhang Buwan ng Pag-ibig sa ating lahat! (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
