Palasyo sa ‘bloody Sunday’ raids PATAS NA IMBESTIGASYON TINIYAK

TINIYAK ng Malakanyang sa publiko na magiging patas ang Department of Justice sa ginagawa nitong imbestigasyon hinggil sa marahas at sabay-sabay na raid ng Philippine National Police (PNP) sa opisina ng ilang aktibista sa rehiyon ng Calabarzon, noong nakaraang Linggo, na ikinamatay ng siyam katao.

“We are confident with that probe because no less than Justice Secretary Menardo Guevara wants to get hard answers from the law enforcement agencies,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Nagsalita na aniya si Justice Secretary Menardo Guevarra sa kanyang naging obserbasyon na may mga police official ang hindi sumunod sa standard operating procedures (SOP),” ang pahayag ni Sec. Roque.

Tiniyak nito na ang imbestigasyon ay magiging patas, masinsin at makatarungan.

Nauna rito, sinabi ni Sec. Roque na kailangang sundin ng police officials ang rule of “necessity and proportionality” sa paggamit ng lakas laban sa mga suspek sa police operations, at ang kabiguan na gawin ito ay nangangahulugan na mahaharap sila sa murder charges.

Sa ulat, kasama sa mga napatay si Bayan-Cavite coordinator Manny Asuncion, mag-asawang sina Chai Lemita at Ariel Evangelista atbp. habang nakatakas naman ang 10-taong gulang nilang anak. Sinasabing miyembro ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwasak ng

Kalikasan at Kalupaan ang mga Evangelista.

Kasama rin sa mga naaresto sina Bayan-Laguna chapter spokesperson Mags Camoral. Ilan pa sa mga na-raid kahapon ang headquarters ng mga aktibistas sa probinsya ng Rizal.

Hinamon naman ng Malakanyang si Bise Presidente Leni Robredo na patunayan ang kaniyang pahayag na namamahala si Pangulong Rodrigo Duterte ng “murderous regime” matapos ang serye ng police raid.

Ayon kay Sec. Roque, kung hindi mapatutunayan ito ni Robredo ay posible siyang kasuhan.

“Kung personal na nakita ni Vice President iyong nangyari, magbigay siya ng ebidensiya kasi ang pananalita niya, parang nakita ng dalawa niyang mata iyong nangyari sa mga patayan na ‘yon,” ani Roque sa isang press briefing. (CHRISTIAN DALE)

154

Related posts

Leave a Comment