Comelec ipatatawag sa Kamara PLANO SA 2022 ELECTIONS ILATAG

(BERNARD TAGUINOD)

IPINALALATAG nang maaga ng isang mambabatas sa Commission on Elections (Comelec) ang mga ipatutupad nitong hakbangin upang masiguro na hindi magkakaaberya sa 2022 elections.

Base sa House Resolution (HR) 1583 na inihain ni Rep. Vittorio Marino, nagpatawag ito ng pagdinig para alamin kung anong safety measures and protocols ang ipatutupad ng Comelec sa susunod na presidential at local elections.

Marami aniyang bansa sa mundo ang ipinagpaliban ang eleksyon dahil sa pandemya sa COVID-19 subalit marami rin ang natuloy tulad sa United States, France, South Korea, Singapore at iba pa.

“The goal is to hold an election with high voter turnout, with the end goal of obtaining a legitimate result and at the same time ensuring the safety of the candidates and the voting public,” ani Marino dahil sa mga ulat na ilang taon pa ang bibilangan bago mawala ang pandemya sa COVID-19.

Dahil dito, dapat aniyang may mga pag-aaral na ginagawa na ang Comelec kung papaano isasagawa ang eleksyon sa susunod na taon kahit sa gitna ng pandemya upang pagdating ng araw ng halalan ay walang magiging aberya.

Kabilang din sa dapat nakalatag na ngayon pa lamang ay kung papaano isasagawa ang election campaign sa gitna ng pandemya at anong protocol ang susundin ng mga tao sa pagboto upang hindi magkaroon ng hawaan ng COVID-19.

Kasama rin sa dapat pinaghahandaan kung ilang oras ang botohan at kung paano makaboboto ang mga malaki ang panganib sa COVID-19 lalo na sa hanay ng mga may sakit at matatanda.

Tiyak din umano na magkakaroon ng karagdagang gastos sa mga ipatutupad na bagong protocols sa pagboto kaya dapat paghandaan ito ng Kongreso.

“This is a time when the national and local government units budget are under severe strain, urgent legislation may also become necessary to amend the Election Code to address concerns in relation to the pandemic,” ani Marino.

Sa Oktubre ay kailangang makapaghain na ng kanilang certificate of candidacy ang mga tatakbo sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno mula pangulo hanggang sa city at municipal councils.

156

Related posts

Leave a Comment