GOB. SUAREZ, WALANG AKSYON VS MASAHOL NA COVID-19 SA QUEZON

ISA ang Quezon sa mga lalawigang masahol ang suliranin sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ngunit, hindi ito nabalita sa media.

Batay sa datos ng Department of Health (DOH), umabot na sa 9,000 ang kumpirmadong bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Quezon.

Araw-araw tumataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Pokaragat na ‘yan!

Napakasahol na pala ng ­COVID-19 sa Quezon.

Ngunit, hindi naman naibalita sa media kung nasaan si Gobernador Danilo “Danny” Suarez at kung anu-ano ang mga hakbang nito laban sa COVID-19.

Ang Quezon ay bahagi ng Rehiyong CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Sa rehiyong ‘yan, Rizal Laguna at Cavite lamang ang naging bahagi ng tinaguriang “NCR Plus” (National Capital Region,

Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan) na isinailalim sa “Enhanced Community Quarantine” (ECQ).

Dahil sa napakaraming kaso ng COVID-19, naideklara rin ang ECQ sa Quezon.

Ang higit na nakasama sa Quezon ay ang pagiging “missing in action” ni Suarez, ayon sa mga residente ng lalawigan.

Nalaman ko sa isang kaibigang abogado na mayroong organisasyon ng mga residente ng Quezon na hiniling kay Suarez na huwag itong ‘matulog sa pansitan’.

Pokaragat na ‘yan!

Anong ibig sabihin nito? Pabaya si Gobernador Suarez?!

Nanawagan ang Quezon Rise Movement kay Suarez na kumilos ito laban sa COVID-19.

Bagong tatag ang Quezon Rise Movement na binuo ng mga residenteng labis na nagmamalasakit at nagmamahal sa Quezon.

Ayon sa tagapagsalita ng Quezon Rise Movement na si Ed Santos, bakuna at hindi pulitika ang kailangan ngayon sa Quezon upang mapigilan ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.

Binatikos nang todo ni Santos si Suarez dahil sa pagpapabaya nito laban sa COVID-19.

Aniya, dahil sa kapabayaan ni Suarez, umabot lamang sa 2.9 porsiyento ang vaccination rate ng buong Quezon.

Kapag suriing mabuti, tinalo pa ni Lucena Mayor Roderick “Dondon” Alcala si Gobernador Suarez dahil pinakamataas ang vaccination coverage rate ng Lucena sa buong CALABARZON.

Sabi ni Santos: “Noon pong Enero, inanunsyo mismo ng ­ating gobernador na naglaan ang lalawigan ng isang bilyong pisong pondo para sa bakuna. Ang tanong po Gob, nasaan po ang mga bakunang kailangang-kailangan na po ng ating mga kababayan sa Quezon?”

Ang ikinadidismaya ng ­Quezon Rise, pinagdiskitahan ni Suarez ang Quezon Provincial Board dahil hindi raw nito ipinasa ang kanyang hiniling na badyet na puno raw ng mga proyektong pang-imprastraktura tulad ng paggawa ng mga basketball court.

Idiniin ng Quezon Rise, hindi basketball courts ang kailangan ng mga nagkakasakit na mamamayan ng lalawigan, kundi ­kalingang medikal at bakuna laban sa ­COVID-19.

“Maraming mga grupo ang gumagawa ng paraan, nagbibigay ng libreng medical assistance sa mga mamamayan ng Quezon, maging sa mga liblib na lugar. Ngunit, mukhang pinipigil nitong si Governor. Anong ginagawa ni Governor Suarez kung hindi ang mamulitika sa pamamagitan ng pagsisi sa kanyang mga bokal. Ikaw ang gobernador, malakas ka kamo sa Malakanyang, bakit wala kang magawa sa isyu ng bakuna,” paliwanag ng Quezon Rise Movement.

Nanawagan si Santos kay Suarez na huwag munang pagtuunan ng pansin ang pulitika, lalo na ang kinatatakutan niyang matalo sa halalang 2022, kundi unahin at pagpahalagahan ang mga pangangailangang medikal at kalusugan ng mga residente ng Quezon.

Kung sobrang takot na mawala sa kapangyarihan si ­Suarez, payo ko ay huwag niyang siraan at sisihin ang kanyang mga kalaban sa pulitika, sapagkat hindi ito ang lulutas sa mga suliranin sa Quezon.

Ang nararapat gawin ni Gobernador Suarez ay kumilos siya.

291

Related posts

Leave a Comment