Rape victim na nagreklamo laban sa 11 pulis, pinatay INDEPENDENT PROBE HIRIT NG SOLON

NAGPAHAYAG ng matinding pagkagalit ang kinatawan ng mga kababaihan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso hinggil sa pagpatay sa isang babae na biktima ng robbery, extortion at rape sa Cebu na si Retchie Nepomuceno.

Ayon kay Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, nakagagalit ang pagpatay sa 35-anyos na biktima na naunang nagsampa ng kasong rape sa isa sa 11 pulis na ang natitirang 10 ay kinasuhan ng robbery, extortion at iba pang kaso, kaya hiniling nito na magkaroon ng “independent investigation” sa kasong ito.

“The rape and killing of Retchie Nepomuceno adds up to the many cases of sexual violence perpetrated by the police amid the lockdown. Last year, 15-year old Fabel Pineda suffered the same fate in Ilocos Sur when she filed a complaint against cops who molested her,” ani Brosas.

Base sa mga report, binaril sa ulo sa Cebu City si Nepomuceno noong Lunes ng hapon ng dalawang hindi kilalang suspek na sakay ng motorsiklo.

Noong nakaraang buwan, sinalakay umano ng 11 pulis mula sa Sawang Calero Police Station ang bahay ni Nepomuceno noong Marso 9, 2021 dahil sa alegasyon na nagtatago ito ng ilegal na baril kahit walang dalang search warrant, kung saan ninakaw umano ang kanyang mga alahas.

Kinabukasan ay inaresto umano ito at pinag-withdraw ng mga pulis ng P170,000 sa iba’t ibang ATM at dinala umano ng lider ng mga pulis na si Staff Sgt. Celso Colita sa Barangay Mambaling, kung saan siya ginahasa at saka siya pinakawalan.

Apat na oras matapos mapatay si Nepomuceno ay napaulat na nagbaril umano sa sarili si Colita sa loob ng palikuran ng Regional Special Operations Group kung saan naka-hold ang mga ito matapos silang sibakin sa puwesto habang isinasagawa ang imbestigasyon sa kaso.

Sa kabila nito, nais ni Brosas na laliman ang imbestigasyon sa kaso ni Nepomuceno at tiyakin na mapanagot ang mga pulis na sangkot dahil kung hindi ay magpapatuloy ang pang-aabuso ng mga tiwaling alagad ng batas.

63 pulis sumabit

Ayon sa mambabatas, inulat ng Center for Women’s Resources na umaabot sa 63 pulis na ang sangkot sa ‘violence against women’ na kinabibilangan ng rape mula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2019 subalit 43 lamang sa mga ito ang nakasuhan.

“Paano ngayon magre-report ang mga biktima kung ang mismong law enforcers ang gumagamit ng quarantine restrictions para manamantala at mag-abuso ng kababaihan at kabataan?” ani Brosas, kaya dapat aniyang paigtingin ang kampanya laban sa mga umaabusong alagad ng batas. (BERNARD TAGUINOD)

179

Related posts

Leave a Comment